LIMANG medical practitioner na pawang mga dayuhan ang nadakip at isang ospital ang ipinasara ng mga awtoridad dahil sa kawalan ng lisensiya mula sa Department of Health (DOH), sa Pasay City.
Ang nasabing ospital na matatagpuan sa Hobbies of Asia Compound sa D. Macapagal Blvd., ay kumakalinga sa mga empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), ayon sa report mula sa Presidential Anti-Organized Crime Commission.
Kasama ng mga tauhan ng PAOCC na nag-operate sa nabanggit na lugar ang mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) na ikinadakip ng ilang dayuhang doktor at mga nurse na wala rin lisensiya para magpraktis ng kanilang propesyon sa bansa.
Dalawa sa tatlong doktor na nahuli ay Vietnamese habang ang isa ay Chinese national.
Huli rin ang isang Vietnamese nurse at isang Chinese pharmacist.
Nag-ugat ang nasabing raid sa isang mission order laban sa isang Trinh Dinh Sang, na dalawang linggong isinailalim sa surveillance batay sa alegasyong ‘medical practice without the proper license.’ (NIÑO ACLAN)