PAPURI at pagbati ang ipinaabot ngayon ni Senator Sonny Angara sa koponan ng Gilas Pilipinas. matapos nitong pagharian ang larangan ng basketball sa Asian Games at tapusin ang 61-taong kabiguang magkamit ng gintong medalya.
Ani Angara na kasalukuyang chairman ng Samahang Basketbol ng Pilipinas, ang gintong medalya na nasungkit ng Gilas sa laban nito kontra Jordan at ang panalo nito laban sa koponan ng China ay tiyak na magiging tampok sa mga usap-usapan ng Pinoy basketball fans hanggang sa mga susunod na taon.
“Nakita naman siguro natin – pinapaboran sa Asian Games ang Jordan mula umpisa ng laban hanggang sa mga araw ng finals, lalo na nang matambakan tayo sa 87-62 Jordan victory. Pero hindi tayo sumuko. Ipinakita ng Gilas na hindi sila susuko at nag-pokus sa mga laban. Kaya nga pinataob nila pareho ang Iran at China na kilala naman nating powerhouses pagdating sa basketball,” ayon sa senador.
“At hindi doon natapos ang gigil ng Gilas. Talagang siniguro nila na hindi lang pangarap na maiuwi ang ginto dahil nagawa nilang totohanin yun. Kaya ngayon, balik ang Pinas bilang isa sa mga magagaling na team sa Asian basketball,” dagdag pa ni Angara.
Sa panalong ito ng Gilas, ipinarating din ni Angara ang pagbati unang-una sa head coach ng koponan na si Tim Cone, sa assistant coaches na sina Richard del Rosario, Josh Reyes, Jong Uichico at LA Tenorio. Dahil sa sama-sama nilang pagsisikap, napaluhod ng grupo ang Jordan na hindi man lang halos lumamang sa kabuuan ng finals match.
“Maraming-maraming salamat po sa lahat ng taong nasa likod ng tagumpay nating ito na kinabibilangan din nina SBP chairman emeritus Manny Pangilinan, SBP President Al Panlilio, San Miguel Corporation top honcho Ramon S. Angara, sa team manager na si Alfrancis Chua, at kay PBA Commissioner Willy Marcial na nagsilbing deputy team manager. Nagwagi tayo – nagwagi ang Gilas dahil sa pagkakaisa at pagsisikap ng mga opisyal na ito,” saad ni Angara.
Sa ipinamalas na gilas ng Gilas Pilipinas, naniniwala si Angara na hudyat na ito nang muling pagbangon at paglakas ng Philippine basketball sa mga susunod na panahon, at malaking tsansa ng panalo sa mga susunod na pandaigdigang laban.
“Ang susunod na kakaharapin ng Gilas ay ang Olympic Qualifying Tournament. Napakalaking hamon nun para sa ating koponan. Pero kung titingnan ninyo ang galaw nila ngayon – ang tikas ng kanilang paglalaro, at kung solido ang suporta ng sambayanan, walang imposible. May laban tayo,” tiwalang pahayag ni Angara.
Mababatid na noon pa man ay malaki na ang pagsuporta ni Angara sa mga proyekto at programa para sa Philippine basketball, maging SBP chairman man siya o maging senador.
Ilang taon na ngayong, nangunguna si Angara sa pagsusulong ng naturalization ng Gilas stalwarts tulad nina Justin Brownlee at Ange Kouame na parehong may malaking papel sa panalo ng koponan kontra Jordan. (NIÑO ACLAN)