NANAWAGAN si Senator Imee Marcos sa Department of Trade and Industry (DTI) na imbestigahan ang mga water refilling station para masiguro kung malinis ang ipinagbibili nitong purified water kabilang ang pagtaas ng presyo nito sa panahon ng pananalasa ng COVID-19.
Ayon kay Marcos, kalimitan ngayon ng ipinagbibiling 5-gallon water container ng purified water ay nakapagtatakang tumaas ang presyo kung ikokompara sa kaparehas nitong purified water na ipinagbibili sa ibang water refilling stations.
“Ang binibili na kasi ngayon e, ‘yung purified water, pero ang problema nga bakit mayroong nagtitinda ng mahal at mayroong mas mura? Parehong purified water pero bakit may mataas kung magbenta?” tanong ni Marcos.
Sa kasalukuyan, ang presyo ng 5-gallon water container ng isang purified water, may gripo o wala, ay nagkakhaalaga ng P25 at ang iba namang water refilling station ay ipinagbibili sa halagang P30 hanggang P35 kahit walang pagkakaiba sa kanilang produkto.
Sinabi ni Marcos, dapat kumilos agad ang DTI at kung kinakailangan ay magpatupad ng SRP sa mga produkto ng water refilling station para maiwasan ang pagsasamantala sa consumers ng mga tiwaling negosyante.
Hiniling ni Marcos sa mga kinauukulang ahensiya na bantayan at magsagawa ng inspeksiyon sa mga water refilling station kung sumusunod sa kautusan tulad ng pagpapaskil ng sanitary permit kabilang ang resulta ng monthly bacteriology water examinations.
“Ang dami kasing reklamo, hindi lang mataas ang presyo ng purified water, kundi ang maruming lalagyan ng tubig, kasi nga, mukhang hindi mabuting nahuhugasan. Bigyan dapat kasi ng proper seminar at training ang mga empleyado,” paliwanag ni Marcos.
Sinabi ni Marcos, sa panahong patuloy ang COVID-19, ang maayos na paghuhugas ng water container, pagsusuot ng proper working garment at personal protective gear tulad ng hairnets, face mask at apron sa loob ng water refilling station ay dapat sundin.
“Dapat kasing magkaroon ng regular na inspeksiyon ang mga water refilling station at makita kung regular na pinapalitan ang kanilang mga filter sa tubig… kasi nga talagang delikado ‘yun sa kalusugan ng kanilang mga customers,” paglilinaw ni Marcos. (NIÑO ACLAN/CYNTHIA MARTIN)