UMAKYAT sa 194 kaso ang mga pasyenteng positibo sa COVID-19 sa lungsod ng Antipolo, lalawigan ng Rizal, na anim sa walong bagong kaso ay nagtatrabaho sa Metro Manila.
Base sa datos ng Antipolo city government, dahil sa walong nadagdag na bagong kaso kaya umabot sa 194 ang kompirmadong tinamaan ng COVID-19 sa lungsod.
Samantala, 133 ang naitalang gumaling na habang 29 ang binawian ang buhay, at 32 ang kasalukuyang nagpapagaling at naka-quarantine.
Lumilitaw sa datos na ang walong bagong naitalang kaso ay isang 25-anyos mula sa Barangay Dela Paz, isang 29-anyos na babae sa mula sa Barangay Sta. Cruz, habang ang iba pa ay mula sa mga barangay ng Mambugan, Mayamot, Cupang, at San Isidro na kapwa mga nagtatrabaho sa National Capital Region (NCR). (EDWIN MORENO)