KAILANGAN matuto ng mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19, ng mga bagong kaalaman o kaya’y magdagdag ng mga bagong skills na maaari nilang magamit sa pagbabalik-trabaho o pag-a-apply sa panibagong trabaho sa ilalim ng tinatawag na new normal.
Ito ang binigyang-diin ngayon ni Senador Sonny Angara kaugnay sa mga ulat ng biglaang pagtaas ng bilang ng mga manggagawang nawalan ng trabaho sa bansa sanhi ng pandemyang COVID-19.
Aniya, napakahalagang mag-reskill at mag-upskill ng mga manggagawa upang makapag-adjust sa anomang trabaho na maaari nilang mapasukan sa mga panahong ito.
“Nakalulungkot na umabot na sa 17.7 porsiyento nitong Abril pa lamang ang datos ng ating unemployment. Ang ibig sabihin, mahigit 7 milyong empleyado ang na-displace dahil sa pandemya. Ito ay dulot ng pagsasara ng napakaraming establisimiyento o kaya naman ay pagbabawas ng mga kompanya sa kanilang mga empleyado,” ani Angara.
“Ito ang dahilan kung bakit isinusulong natin ang pag-upskill sa mga manggagawa upang kahit paano ay muling umalagwa ang kalakalan partkular sa digital businesses. Sa panahong ito na hindi na normal ang takbo ng lahat, ito ang dalawang bagay na dapat nating matutunan – reskilling at upskilling,” dagdag ng senador.
Aniya, isinulong sa Senado ang dalawang panukalang batas, ang SBN 1469 o ang National Digital Careers Act at ang SBN 1470 o ang National Digital Transformation Act.
Ani Angara, ‘di tulad ng mga tradisyonal na trabaho, tiyak na hindi maluluma sa panahon ang digital careers. Ito ang dapat tutukan at samantalahing pagkakataon ng mamamayan.
“Makikipag-ugnayan tayo sa Department of Education (DepEd) at sa TESDA para sa mga kaukulang digital skills training para naman masigurong may mapupuntahang trabaho ang ating mga kababayan,” ayon sa senador.
Kabilang sa digital careers na may malalawak na oportunidad ang web development and design; online teaching and tutoring; content creation; digital marketing; mobile app development; search engine optimization; web research, business intelligence and data analytics; transcription and data entry; customer service and technical support, human resource management and systems; at medical coding, billing at iba pang health IT services.
Sa ilalim ng new normal, malaki ang magiging pagbabago sa sistema ng ating edukasyon. At napakalaki ang maitutulong ng teknolohiya.
“Ngayon pa lang, gawin na nating bahagi ng curriculum ng mga estudyante ang teknolohiya at mas makabubuting sa primary school pa lang, umpisahan na natin ito. Mas malaki ang oportunidad na naghihintay sa kanila balang araw makatapos man sila ng pag-aaral o hindi,” pahayag ni Angara.
(NIÑO ACLAN)