AABOT sa P50 milyon high grade shabu ang nakompiska ng mga awtoridad sa magkakasunod na operasyon sa Pasig City at Taguig City.
Sa ulat kay NCRPO-Regional Director, Chief Supt. Oscar Albayalde, kinilala ang mga nadakip na sina Saadodin Badron, Sukarno Bansil, at Mahatir Malaco,
Napag-alaman, dakong 3:10 pm nang masakote ng pulisya si Badron makaraan ang isang linggong surveilance sa Marcos Highway, Pasig at nakompiska sa kanya ang anim kilo ng shabu.
Habang sa C-5 Road naaresto sina Bansil at Malaco sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad.
Pahayag ni EPD-director, Senior Supt. Romulo Sapitula, bahagi nang pinaigting na “Oplan Double Barrel” ang pagkakahuli sa tatlong mga suspek.
( ED MORENO )
4 PATAY, 1 SUGATAN SA CALOOCAN DEATH SQUAD
MULING umatake ang sinasabing vigilante group na tinatawag na Caloocan Death Squad (CDS), nagresulta sa pagkamatay ng apat katao at ikinasugat ng isa pa sa magkakahiwalay na lugar sa lungsod na ito, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Si Michael Tayao, 31, ng 282 C. Cordero St. kanto ng 6th Avenue, Brgy. 54, ay natutulog sa loob ng kanilang bahay kasama ng live-in partner niyang si Ella Reane Pangilinan, nang biglang pasukin ng tatlong hindi kilalang lalaki at siya ay pinagbabaril. Nalagutan ng hininga si Tayao habang nilalapatan ng lunas sa Caloocan City Medical Center.
Bago ito, dakong 2:15 am nang pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang lalaki si Marciano Jurok, 41, ng M. Hizon St., Brgy. 63, habang naglalaro ng bingo malapit sa kanyang bahay. Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan si Jurok.
Habang bandang 12:20 am habang nakatambay ang mga biktimang sina Jonathan Jervoso, 21; Jervy Sta. Maria, 25, at Dexter Perigel, 20, sa harap ng Joslyn Store sa Doña Ana Subdivision, Brgy. 175, Camarin, nang pagbabarilin sila ng dalawang suspek na lulan ng motorsiklo.
Namatay sa insidente sina Jervoso at Sta. Maria habang sugatan si Perigel.
Ayon kay PO3 Ryan Rodriguez ng North Extension Office ng Caloocan City Police, iniimbestigahan nila ang sinabi ng ilang bystander na sangkot sa pagtutulak ng droga ang mga biktima.
( ROMMEL SALES )
TULAK TIGOK SA OPERATION TOKHANG
PATAY ang isang hinihinalang drug pusher sa isinagawang “Operation Tokhang” ng mga operatiba ng Manila Police District-Police Station 2, kamakalawa ng gabi sa Vitas, Tondo, Maynila.
Kinilala ang suspek na si John Mark Mendoza, alyas Jonjon Buwang, at Jon Toyo , 35, ng Bldg. 30, Temporary Housing, Aroma Compound, Vitas, Tondo.
Ayon sa imbestigasyon ni PO2 Ryan Balagtas, ng Manila Police District-Homicide Section, nagsasagawa ng “Operation Tokhang” ang mga operatiba ng MPD-Police Station 1 ngunit pinaputukan sila ng suspek.
Gumanti ng putok ang mga operatiba na nagresulta sa pagkamatay ni Mendoza.
Samantala, pinagbabaril ng tatlong armadong lalaki si Jayson Limpin, 33, ng 725 Int. 44 Laong Nasa St., Tondo, Maynila.
Agad binawian ng buhay sa insidente si Limpin.
( LEONARD BASILIO )
PEDICAB DRIVER PATAY SA AMBUSH SA MAKATI
PATAY ang isang lalaking isinasangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga makaraan tambangan sa Brgy. Palanan, Makati City kamakalawa ng gabi.
Sa bangketa sa Casino Street pinagbabaril ang 58-anyos pedicab driver na si Emilio Dela Masa ng dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo pasado 9 pm.
( JAJA GARCIA )