LAOAG CITY – Tatlong drug personalities sa Ilocos Norte ang napatay makaraan lumaban sa mga awtoridad sa isinagawang drug buy-bust operations kamakalawa.
Namatay habang ginagamot sa Mariano Marcos Memorial Hospital si Andres Pasalo, residente ng Brgy. 6, San Nicolas, Ilocos Norte, makaraan lumaban sa mga pulis sa drug buy-bust operation sa isang sabungan sa Brgy. 16 sa nasabing bayan.
Una rito, namatay rin ang isang drug pusher sa lungsod ng Laoag na si Roel Andres alyas “Yalip” makaraan tangkaing makipagbarilan sa pulis na nagsilbing poseur buyer sa buy bust operation sa isang apartment building sa Brgy. 7-B, sa nasabing lungsod.
Patay rin ang isa pang drug suspect na si Benedict Corpuz, residente ng Brgy. Tapao-Tigue sa bayan ng Currimao sa drug buy-bust operation ng PNP Curimao at PNP Pinili sa Poblacion 1, Curimao, Ilocos Norte.
3 HIGH PROFILE TARGET PATAY SA SHOOTOUT SA ZAMBOANGA
ZAMBOANGA CITY- Kinompirma ng Philippine National Police (PNP), kabilang sa grupo ng high profile target nila ang tatlong lalaking hinihinalang mga drug courier na napatay nang lumaban sa mga pulis habang dumaraan sa checkpoint kamakalawa sa national highway ng Brgy. Overview, sa bayan ng Liloy, lalawigan ng Zamboanga Del Norte.
Kinilala ni PRO-9 Acting Regional Director, Chief Supt. Billy Beltran ang napatay na mga suspek na sina Anwar Silan Sawadjaan, 19; Angelo Hofer, 22, at Noel Rey Bacalzo, 24, pawang mga residente ng bayan ng Ipil, sa lalawigan ng Zamboanga Sibugay.
DRUG PUSHER UTAS SA PARAK SA CAINTA
AGAD binawian ng buhay ang isang hinihinalang drug pusher makaraan lumaban sa mga pulis sa buy-bust operation sa Cainta, Rizal nitong Biyernes ng gabi.
Ayon sa ulat, nagkasundo ang target ng operasyon na si Randy Santos alyas Kamote at ang poseur-buyer sa halagang P800 para sa shabu.
Ngunit nang maramdamang pulis ang katransaksiyon at papasugod na ang mga pulis sa kanilang drug den, agad nagpaputok si alyas Kamote.
Habang arestado ang limang “kapanalig” ni alias Kamote. Sila ang nagde-deliver o nagdi-distribute ng mga ilegal na droga sa ibang lugar.
( ED MORENO )