HINIRANG na bagong pangulo ng Senado si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, sa ginanap na botohan kahapon ng umaga kasabay ng pagbubukas ng 17th Congress.
Nakalaban ni Pimentel sa Senate presidency si Sen. Ralph Recto.
Nakakuha si Pimentel ng 20 boto habang 3 boto si Recto.
Si Sen. Pimentel ang lider ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) na partido ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Gumawa ng kasaysayan si Sen. Koko nang sundan ang yapak ng ama na si dating Sen. Aquilino Pimentel na dating pangulo ng mataas na kapulungan ng Kongreso.
Unang pagkakataon ito sa kasaysayan ng Filipinas na naging Senate president ang mag-ama.
Si Sen. Vicente Sotto III ang nag-nominate kay Pimentel habang kapansin-pansin ang dating katunggali niya sa Senate seat na si Juan Miguel Zubiri ang nag-second the motion.
Ang bagitong senador na si Sen. Manny Pacquiao ang nagpanumpa kay Pimentel bilang bagong Senate president.
Habang magsisilbing Senate minority leader si Sen. Ralph Recto.
Inihalal si Sen. Franklin Drilon bilang Senate President Pro-Tempore habang si Sen. Sotto ang bagong Senate majority leader.
Samantala, inihalal bilang bagong speaker ng House of Representatives si Davao del Norte First District Rep. Pantaleon Alvarez.
Nakakuha ng 251 boto si Alvarez na nakalaban sa House speakership sina Ifugao Rep. Teddy Baguilat at Quezon Third District Rep. Danilo Suarez.
Si Baguilat ang hinirang na minority leader makaraan makakuha ng walong boto habang si Suarez ay mayroon lamang pitong boto.
Si Alvarez ay una nang pinili ni Pangulong Rodrigo Duterte na mamuno sa Kamara.
Bago ang eleksiyon ng House Speaker, idineklara ng Liberal Party ang suporta kay Alvarez para pamunuan ang mababang kapulungan ng Kongreso. (NIÑO ACLAN/JETHRO SINOCRUZ)