PATAY ang dalawang lalaking magkapatid na hinihinalang tulak ng droga nang mang-agaw ng baril sa mga operatiba ng Muntinlupa City Police ilang oras makaraan maaresto kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Julius Dizon, 25, aircon installer, residente sa Sto. Niño, Phase 1, Tunasan, Muntinlupa City, at Rolando Dizon Jr., 34, alyas Sonny, tricycle driver, residente sa Arandia St., Tunasan, Muntinlupa City.
Namatay noon din si Julius habang ang nakatatandang kapatid na si Rolando ay idineklarang dead-on-arrival sa Ospital ng Muntinlupa.
Ayon sa ulat ng pulisya, dakong 1:30 am nagsagawa ng anti-criminality operation ang grupo ni Chief Insp. Julian Olonan, hepe ng Intelligence Unit ng Muntinlupa City Police, makaraan makatanggap ng report na sina Rolando at Julius ay nagsusugal ng cara y cruz sa Arandia St., Tunasan.
Nang sitahin at kapkapan ay nakompiska mula kay Julius ang kalibre .38 revolver na may apat na bala sa loob ng sling bag, habang 150 gramo ng hinihinalang shabu ang nakompiska mula kay Rolando.
Bandang 3:10 am habang dinadala ng mga pulis ang magkapatid na Dizon sa Ospital ng Munlinlupa para sa medical examination at habang binabagtas ang Civic Drive, Filinvest City, Alabang, biglang inagaw ng mga suspek ang service firearm na .9mm caliber ni SPO2 Emme Baldovino, isang babaeng pulis.
Itinutok at kinalabit ni Julius ang baril kay SPO2 Baldovino ngunit hindi pumutok dahil naka-safety ito at bago pa uli makapagpatutok ang suspek ay gumanti ang mga pulis at binaril ang magkapatid.
( MANNY ALCALA )
Hinikayat ni Kapitan Teves
400 USERS, TULAK NG DROGA SUMUKO SA MUNTINLUPA
UMAABOT sa 400 drug users at drug pushers na nakatira sa Putatan, ang kusang sumuko sa tanggapan ni Brgy. Chairman Danilo Teves, bahagi nang pinaigting na anti-illegal drug campaign sa lungsod ng Muntinlupa.
Ayon kay Teves, bago pa man manumpa sa tungkulin si Pangulong Rodrigo Duterte, sinimulan na niya noong Hunyo 20 ang house-to-house visitation at information drive sa kanyang contituents upang bigyan sila ng babala at umiwas sa paggamit ng droga o pagbebenta nito at magbagong buhay.
Sinabi ni Teves, dahil sa kanyang paliwanag at panghihikayat kaya’t marami nang mga residente ang boluntaryong sumuko.
Idinagdag ni Teves, maglalaan siya ng livelihood program para magkaroon ng puhunan ang kanilang pamilya bilang tulong sa kanila sa hanapbuhay.
Katuwang sa kampanya ang pulisya ng Muntinlupa, Drug Abuse Prevention and Control Office (DAPCO), na nagbibigay payo at pangaral sa sumukong mga residente.
Kamakailan lamang, ipinag-utos ni Mayor Jaime Fresnedi sa pulisya ng Muntinlupa at mga barangay official ang walang humpay na drug clearing strategies sa komunidad alinsunod sa kampanya ng gobyerno laban sa illegal drugs.
( MANNY ALCALA )
2 TULAK PUMALAG, UTAS SA PARAK
PATAY ang dalawang tulak ng droga makaraan makipagpalitan ng putok sa mga pulis sa Sta. Cruz, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Agad binawian ng buhay ang biktimang si alyas Rashid at isa pang hindi nakilalang lalaki na sinasabing lookout sa pagtutulak ng ilegal na droga.
Ayon sa ulat mula kay MPD-PS3 Police Supt. Jackson Tuliao, nagkasundo ang poseur buyer at si Rashid na magkita sa nabanggit na lugar.
Nang iabot ng poseur buyer ang pera kay Rashid, napansin ng suspek ang boodle money dahilan para bumunot ng baril.
Mabilis na naagaw ni PO1 Alexander Dioso ang baril ng suspek at ipinutok sa kanya na nagresulta sa agarang kamatayan ng suspek. Habang nagpaputok din ng baril ang kasama ni Rashid kaya binaril din ng pulis at napatay.
( LEONARD BASILIO, may kasamang ulat ni Joana Cruz )