2 miyembro ng drug syndicate utas sa enkuwentro (P68-M halaga ng shabu kompiskado)
NAPATAY ng magkasanib na operatiba ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) ang dalawang hinihinalang miyembro ng drug syndicate na sinasabing nanlaban sa isinagawang buy bust operation sa Muntinlupa City kamakalawa ng gabi.
Ayon sa ulat ng pulisya, namatay ang mga suspek na kinilalang sina Jordan Sabandal Abrigo at Jayvee De Guzman, na umano’y miyembro ng “Divinagracia Drug Group.”
Naganap ang insidente pasado 7:00 p.m. sa Katarungan Village, Brgy. Poblacion, Muntinlupa, kung saan naglatag ng drug bust ang mga awtoridad para sa ikadarakip ng mga suspek.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, sakay ng Nissan Cefiro, walang plate number, sina Abrigo at De Guzman nang magduda silang awtoridad ang kanilang katransaksiyon sa droga kaya kapwa umano nanlaban ang dalawa.
Gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa kamatayan ng dalawa.
Walang iniulat na nasugatan sa hanay ng mga pulis. Nakompiska sa mga suspek ang may 10 kilos ng hinihinalang shabu, may street value na aabot sa P68 milyon, 2 kalibre .45 pistola.
Ayon kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar, pinamumuan ang sindikato ng isang Michael Divinagracia at alyas Jhonson, convicted Chinese national na nakakulong sa New Bilibid Prisons (NBP) .
Nag-o-operate ang sindikato ng ilegal na droga sa Visayas at Mindanao (MANNY ALCALA)