INIHAIN na ni Senate President Franklin Drilon ang panukalang batas na magbibigay ng emergency powers o dagdag na kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte para solusyonan ang suliranin ng trapiko sa bansa.
Nakapaloob sa naturang panukala ni Drilon ang pagbibigay ng kapangyarihan kay Duterte para sa agarang solusyon sa problema sa trapiko sa iba’t ibang panig ng bansa.
Naniniwala si Drilon, maituturing na isang pangangailangan ang dagdag na kapangyrihan sa Pangulo para resolbahin ang problema sa trapiko lalo na’t hindi lamang ito nakaaapekto sa mamamayan, pagkain at serbisyo kundi ito ay isang panganib sa ‘liability’ ng isang siyudad.
Sa panukalang batas ni Drilon na tinawag bilang ‘Transportation Crisis Act of 2016, pinahihintulutan ang Pangulo na malayang gumawa ng kanyang aksiyon upang matugunan ang suliranin sa trapiko, kabilang ang kontruksiyon, rehabilitasyon, pagbabago, at mga proyektong para sa transportasyon.
Kabilang din sa kapangyraihang nais na ipagkaloob kay Duterte ang direktang pakikipag-usap sa mga kontratista at mga kompanya, limited bidding, at negotiated procurement.
( NIÑO ACLAN )