RATED R
ni Rommel Gonzales
SA unang pagkakataon ay nagsalita si Gene Padilla tungkol sa kontrobersiya nilang magkakapamilya.
May kinalaman ito sa pagsasalita at pagkampi niya sa kapatid na si Dennis Padilla sa umano’y naranasan nila at ng ina nilang si Catalina Dominguez na kawalan ng importansiya sa church wedding nina Claudia Barretto (anak ni Dennis sa ex-wife nitong si Marjorie Barretto) at Basti Lorenzo noong April 2025.
Naging malaking isyu noon ang pag-alma ni Dennis dahil sa kawalan niya ng papel bilang “father of the bride” at naging bisita lamang sa kasal.
Na-bash si Dennis, ipinagtaggol ni Gene, kaya na-bash din ng bongga si Gene.
Sa red carpet premiere na sinundan ng media conference ng pelikulang Breaking The Silence ay tinanong namin si Gene tungkol dito, kung ano ang natutunan niya mula sa pangyayari.
“Dapat anong natutunan nila, hindi po ako.
“Dahil unang-una, ‘yung bashers, actually, that was the first time na nagkaroon ako ng ganoon karaming bashers dahil hindi naman ako sanay sa ganoon.
“Matagal na po ‘yung alitan, ‘yung mga salitaan, pero never po ako nakialam naman.
“Kung mayroon man pag-uusap, it’s between the family.
“Sa side ko, with my brother, pero hindi naman kami sumagot na after niyong interbyu ng kabila kasi kapag sumagot pa kami, hindi po matatapos.
“At kami’y parehong part nila, part namin. Pareho lang maaapektuhan, so ang pinili namin, maging isang mabuting tao na lang.”
Ang interview ni Marjorie kay Ogie Diaz ang tinutukoy ni Gene na interbyu.
Pagpapatuloy ni Gene, “At sa tanda ko na po ito sa industriya at bilang tao po, napakahirap para sa akin at sa aking kapatid na gumawa ng kuwento, lalo ang kuwento ng kasinungalingan.
“Kaya dapat mag-move on na lang tayo at hindi tayo kilala ng trolls na sinasabi, bashers.
“Lahat po sila, ‘yan po ang tsismoso at tsismosa ng social media. So hindi na po sila dapat patulan.
“Mabibigat po ang binitawan sa akin,” ang halos emosyonal na pahayag pa rin ni Gene, “binitawan sa akin na sana mamatay na ako, mamatay na kapatid ko, at mamatay na ang nanay ko.
“Wala po silang narinig sa akin. Wala po kayong narinig sa amin kaya ayoko po na nagpapainterbyu.
“Natsambahan mo ako!
“Kasi naniniwala po ako na habang umeedad, habang tumatanda po tayo, it’s about time na lahat ng katampuhan, nakaaway niyo, nakagalit niyo, ito po ang tamang panahon po para mag-ipon na tayo ng kaibigan.
“Dahil sa edad namin na ito, napakaigsi na po ng oras namin.”
Fifty-seven years old si Gene.
Tungkol sa mental health at bullying ang pelikulang Breaking The Silence ng Gummy Entertainment Productions.
Ang mga artista sa pelikula, bukod kay Gene ay sina Ramon Christopher, Pinky Amador, Jeffrey Santos, Rob Sy, Pekto Nacua, Mark Herras, Irish Contreras, Brace Arquiza, Patani Daño, Sylvia Manansala, Panteen Palanca, Jerico Balmes, Carl Acosta, Miles Manzano, Shane Carrera, Ryrie Sophia, Zion Cruz, Tokyo Rodriguez, Jared Reyes, Christian Villanueva, Arwen Cruz, Mira Aquino, Erika Palisoc, Chelsea Pergis, Emmanuel Talukder, Achilles Ador, Stanray Clark, Uno Weber, Mavi Weber, Yvo Weber, Mikaela Saldaña, Dirc Manliclic, and Drey Lagrago at ang special appearance ni Dr. Lourdes Dimaguila na butihing maybahay ni Congressman Arman Dimaguila ng lone district ng Biñan Laguna, written and directed by Errol Ropero; Executive Producers: Ms. Ann Michelle Weber & Mr. Lawrence Weber under Gummy Entertainment Productions.
Huling tanong namin kay Gene ay kung kumusta ang relasyon niya sa kanyang mga pamangkin.
“Marami po akong mga pamangkin. Kung may mga pamangkin po na ayaw sa amin o sa akin, okay lang po.
“Basta sila, gusto ko pa rin sila. Ganoon po talaga ang buhay. So God bless na lang to each and everyone.”
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com