NAGBABALA si Marikina City Mayor Marcy Teodoro sa ilang barangay chairman dahil sa paglabag sa quarantine protocols.
Ang pahayag ay ginawa ng alkalde kaugnay ng panayam sa radyo hinggil sa mga ulat na nagkakaroon ng mass gathering gaya ng inuman at videoke sa ilang barangay sa Marikina City, kabilang sa Fortune, Parang, at Marikina Heights.
“Bawal ‘yan. Hindi dapat mangyari… ang totoo ni-reprimand na natin ‘yung barangay captains sa lugar na ‘yan e at binigyan natin ng warning,” ani Teodoro.
Ayon sa alkalde, kung magpapatuloy pa ang naturang mga paglabag sa quarantine guidelines ay maaaring masuspinde ang mga naturang barangay captain.
“Kung magpapatuloy ay maaari silang masuspinde dahil in violation sila sa quarantine guidelines natin,” aniya.
“Kung nagpapatuloy, papatingnan ko… ako mismo kahapon nasa Marikina Heights ako e. Nag-iikot ako, wala akong na-encounter. Pero malaki ‘yung barangay na ‘yun e,” dagdag ni Teodoro.
Aniya, may kahalintulad na insidente na naiulat kamakailan ngunit agad naman itong inaksiyonan ng mga lokal na opisyal.
Kasabay nito, pinaalalahanan ng alkalde ang mga pulis na gawin ang kanilang tungkulin sa pagpapatupad ng quarantine protocols upang hindi masuspinde o maipalipat sa ibang lugar.
Batay sa datos, ang Marikina City ay nakapagtala na ng 713 total COVID-19 cases, kabilang dito ang 323 active cases, 353 gumaling sa sakit, at 37 binawian ng buhay.
(EDWIN MORENO)