TUMAAS sa 379 ang bilang ng mga positibong kaso ng COVID-19 habang nananatili sa 31 ang pumanaw dahil sa pandemya at 181 ang nakarekober sa lungsod ng Marikina.
Ayon sa Public Information Office (PIO), 11 ang nadagdag sa tinamaan ng coronavirus disease kaya umakyat sa 379 sa huling tala nitong nakalipas na Biyernes ng hapon, 3 Hulyo, na umabot sa 167 ang aktibong kaso.
Nananatili sa 31 ang bilang ng mga binawian ng buhay dahil sa pandemya habang 181 ang nakarekober matapos madagdag ang walo sa mga gumaling sa COVID-19.
Nananawagan si Marikina City Mayor Marcy Teodoro sa mga residente ng lungsod na sumunod sa health protocol ng IATF, ugaliing magsuot ng face mask at pairalin ang physical distancing dahil nasa general community quarantine (GCQ) pa ang buong Metro Manila.
Naniniwala si Teodoro na kayang labanan ang COVID-19 kung susunod sa mga health protocol ang mga mamamayan at mananatili sa kani-kanilang tahanan lalo ang mga menor de edad at mga senior citizen. (EDWIN MORENO)