TIMBOG ang isang 23-anyos lalaki nang masamsam mula sa kaniya ang tinatayang 604 gramong pinatuyong dahon ng marijuana sa ikinasang anti-illegal drugs operation ng pinagsanib na puwersa ng Montalban PNP at PDEA sa bayan ng Rodriguez, sa lalawigan ng Rizal.
Kinilala ni P/Capt. Renato Torres, deputy chief of police ng Montalban PNP, ang nadakip na suspek na si John Alfred Villanueva, alyas Aljon Pacheco, 23 anyos, residente sa Aratiles St., Barangay Burgos, sa naturang bayan.
Dakong 2:00 pm noong Lunes, 29 Hunyo, ikinasa ng PDEA-4A at Intel operatives ng Montalban PNP na pinamumunuan nina P/MSgt. Jose Gordon at P/MSgt. Ricky Alvarico ang buy bust operation sa Aratiles St., sa nabanggit na lugar.
Aktong iniaabot ng suspek ang droga nang arestohin siya ng mga awtoridad.
Nakuha mula sa suspek ang ilang transparent plastic sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana na tumitimbang ng 604 gramo at nagkakahalaga ng P72,460, boodle money, at buy bust money.
Nakapiit ang suspek sa detention cell ng Montalban PNP at sinampahan ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA-9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act 2002. (EDWIN MORENO)