NANAWAGAN si Senadora Nancy Binay sa Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na aksiyonan ang paghihirap ng mga jeepney drivers dahil sa epekto ng COVID-19.
Ani Sen. Nancy, hindi dapat paasahin ang jeepney drivers at operators nang makapagsimula na sa kanilang pamamasada.
“Sobra nang nahihilo ang ating mga tsuper sa kadi-dribble at pagpapasapasa ng DOTr at LTFRB kung papayagan ba silang bumiyahe.
“Bakit ‘di nila deretsang sabihin kung ano man ang plano ng gobyerno sa kanila? Makababalik pa ba ang mga jeep o hindi na?’ tanong ni Binay.
“Ano ba talaga ang plano ng DOTr at LTFRB? Parang pinahahaba lang nila ang kalbaryo ng mga kababayan nating namamasada… Kung makababalik, ‘wag nang maraming dahilan. Kung ‘di na makababalik, ‘wag nang paasahin at linawin sa mga operator at driver kung ano ang plano at gagawin ng gobyerno sa 250,000 tsuper at operators,” mariing punto ng senadora.
“Masakit tanggapin na tila hinayaan ng gobyerno na unti-unting maupos ang kabuhayan ng ating mga jeepney driver. ‘Yung harap-harapang ipamumukha sa kanila na ‘di sila kasama sa pamamasada.
“Ang pagsusulong ng modernization program ay dapat inclusive at ‘di exclusive na pumapabor sa isang sektor. Hindi tama na pagkaitan natin ng trabaho at kabuhayan ang ating mga kababayan habang may pandemya. Sa ngayon ang dating malalakas na busina ay napalitan ng impit na tunog ng kumakalam na sikmura,” dagdag ni Binay. (CYNTHIA MARTIN/NIÑO ACLAN)