PINAALALAHANAN ni Senador Juan Egdardo “Sonny” Angara ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na tumalima sa mandatong magkaloob ng abot-kayang pautang sa overseas Filipino workers (OFWs), ngayong marami sa kanila ang nagbalik-bansa matapos mawalan ng trabaho sa ibayong dagat dulot ng pandaigdigang pandemya.
Ayon sa senador, ito ay upang makapagsimula ng panibagong buhay ang repatriated OFWs na karamihan ay sandigan ng kani-kanilang pamilya.
Bilang sponsor ng Republic Act 10801 o ng Overseas Workers Welfare Administration Act na naisabatas noong 10 Mayo 2016, binigyang diin ni Angara na base sa nilalaman ng Section 35(c) ng batas, inaatasan ang OWWA na magpautang sa kanilang mga miyembrong OFWs sa mababang interes lamang.
May kapangyarihan din ang OWWA na kunin ang serbisyo ng mga eksperto sa usaping pinansiyal at pagbabanko upang matulungan ang ahensiya sa pagpapatupad ng nasabing loan programs.
Mababatid na nitong 7 Hunyo 2020, higit 50,000 OFWs ang nagbalik-bansa base sa ulat ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Pangulong Duterte, posibleng umabot sa mahigit 100,000 OFWs ang babalik sa bansa sa mga darating pang buwan habang nasa kasagsagan ang global pandemic.
“Karamihan sa ating repatriated OFWs, wala nang mababalikang trabaho o kaya nama’y tiyak na mahihirapan nang maghanap ng panibagong trabaho dahil sa kasalukuyan nating sitwasyon. Dahil sa trahedyang ito, napakaraming kompanya ang nagsara hindi lamang dito sa bansa kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng mundo. At ito ang naging dahilan upang maraming mga empleyado at manggagawa ang nawalan ng trabaho,” ani Angara.
Anang senador, kailangan matulungan ang OFWs upang makahanap ng alternatibong pagkakakitaan dahil sila lamang ang inaasahan ng kani-kanilang pamilya.
Makatutulong aniya ang low-interest loan ng OWWA na maaaring magamit ng OFWs para makapagsimula ng maliit na negosyo.
Gayonman, sinabi ni Angara, dahil sa dagsang pagdating ng OFWs, maaaring maharap ang OWWA sa iba’t ibang problema sa pagpapatupad ng kanilang loan program.
Sa isinagawang pagdinig kahapon ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development na dinaluhan ng senador, hiniling nito sa pamunuan ng OWWA sa pangunguna ni Administrator Hans Leo Cacdac na i-update ang komite kaugnay sa kung paano ipinatutupad ng ahensiya ang OWWA charter na kinapapalooban ng loan program para sa member OFWs.
Sa kanyang panig, sinabi ni Cacdac, nakipag-ugnayan na ang kanyang ahensiya sa Landbank of the Philippines upang magkaloob ng loan window para sa OFWs.
Sinabi ng opisyal, sa kasalukuyan ay umaabot na sa 1,500 OFWs ang nakapag-avail ng loan sa LandBank at tinatayang P1 bilyon na ang naipautang sa kanila.
Karamihan sa OFWs, ayon kay Cacdac ay nakapag-loan mula P300,000 – P500,000 at ang iba ay nakapag-loan hanggang P2 milyon mula sa LandBank.
Ang per annum interest rate sa mga naturang loans mula sa LandBank ay aabot sa 7.5 percent na ayon kay Angara ay kahalintulad ng commercial rates at hindi ibinase sa nilalaman ng batas na nag-aatas na patawan lamang ito ng mababang patubo.
Inilinaw ni Cacdac na naisangguni na nila ang usapin sa LandBank at umaasa silang magkaroon ng kasagutan sa muli nilang pag-uusap.
“Umaasa tayo na mareresolba ito dahil iba ang sinasabi ng batas na low-interest rate ang dapat ipataw ng OWWA sa loans ng member OFWs. At palagay ko, marami sa mga nagbabalik-bansa nating OFW ay maaaring mag-avail nito. Iba pa ‘yung sa Landbank, e lakihan pa natin sana kung kaya ng pondo ng OWWA. Umaasa tayo na mareresolba ng OWWA at ni Labor Secretary Silvestre Bello ang anomang problema ukol dito,” dagdag ni Angara. (NIÑO ACLAN/CYNTHIA MARTIN)