PINAPAPALITAN ni Senator Imee Marcos sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang inilabas nitong advisories na madaling abusohin ng ilang kompanya para patagalin ang floating status ng mga empleyado.
“Sobrang haba ng six months para ilagay sa floating status ang mga empleyado lalo sa gitna ng krisis. Pakiramdam ng mga empleyadong naka-floating, inilagay sila sa ganoong status para mapilitang mag-resign, na magreresulta para maabsuwelto ang kompanya sa pagbabayad ng ilang taon nilang serbisyo kasama ang separation benefits,” paliwanag ni Marcos.
Sa ilalim ng Labor advisories 9 at 17, maaaring magpatupad ang mga kompanya ng kaunting pagbabago sa oras at paraan ng kanilang operasyon gayondin ang adjustment sa sahod at benepisyo ng mga empleyado habang may community quarantine.
“Sa kabila ng magagandang intensiyon para mapanatili ang maraming trabaho habang inaayudahan ang mga negosyong apektado, parang minadali at hindi pinag-aralan ang mga inilabas na advisory ng DOLE. Hindi yata naisip na pansamantala lamang ang ECQ, GCQ,” sabi Marcos.
“Hindi na nga dapat naka-floating status ang mga empleyado ngayon dahil nasa GCQ na ang Metro Manila. Pinapayagan na rin ang sektor ng business process outsourcing na magbalik sa buong kapasidad nilang operasyon basta magpatupad ng mahigpit na quarantine measures,” giit ni Marcos.
Inirekomenda ni Marcos na obligahin sa isang bagong advisory ang mga kompanya na agad aksiyonan ang mga empleyado na floating ang sitwasyon sa loob ng 30 araw at ipaalam kung kailan sila ulit makababalik sa trabaho.
Dagdag ni Marcos, ang bagong advisory ay dapat din mag-obliga sa mga kompanya na magsumite muna ng request sa DOLE bago mag-alis ng empleyado matapos ang isang buwang pagkalugi.
“Mas magiging patas ang advisory ng DOLE kung parehong mapaliliwanagan ang empleyado at employer sa kanilang kalagayan. Agad na maaabisohan ang empleyado sa kanyang sitwasyon, habang matutulungan din ang kompanya na makahanap ng solusyon para hindi masyadong malugi,” sabi ni Marcos.
Lalong dinagsa nitong Martes ang opisina ni Marcos ng mga humihingi ng tulong na call center employees, dumagdag rin maging mga person with disability, na hindi sumahod ng halos 120 workdays dahil sapilitang pinag-leave sa ilalim ng no-work, no-pay arrangement at wala pang kasiguradohan kung mananatili sila sa trabaho.
Sinabi ng ilang call center employees na inilapit nila kay Labor assistant secretary Dominique Tutay ang kanilang hinaing at ipinasa sa hepe ng IT and Business Process Association of the Philippines (IBPAP) na si Rey Untal, pero wala pa rin imbestigasyong nasisimulan. (NIÑO ACLAN/CYNTHIA MARTIN)