PATAY sa sunog ang dalawang batang may edad tatlo at pitong taong gulang, at isang 38-anyos makaraang magliyab ang isang pabrika ng plastik kamakalawa ng hapon, 17 Hunyo sa lungsod ng Antipolo, lalawigan ng Rizal.
Sa ulat ng Antipolo City Fire Department, kinilala ang mga namatay sa sunog na sina Jade Cambronero, 3-anyos; Cyrus Andrei Geronimo, 7-anyos; at Jenny Tabon, 38 anyos, pawang residente sa Brangay Bagong Nayon, sa naturang lungsod.
Nabatid sa imbestigasyon ng mga bombero, dakong 4:30 pm nang biglang nagliyab ang isang pagawaan ng plastik sa lugar mula sa mga lacquer thinner at iba pang materyales.
Lumilitaw na nasukol ang dalawang bata sa nasusunog na kabahayan nang sumiklab ang apoy at kumapal ang usok dahilan upang mahirapan ang mga pamatay-sunog na apulahin ang sunog.
Sa tagal bago tuluyang maapula ang sunog, gabi na nang matuklasan ng mga bombero ang tatlong bangkay ng tao na kinabibilangan ng dalawang bata sa natupok na bahay.
Hindi binanggit ng imbestigador ng bombero kung sino ang nagmamay-ari ng pabrika.
Nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pinagmulan ng sunog na kumitil sa buhay ng tatlong tao kabilang ang dalawang bata.
Sa ulat, sinabing mahigit sa isang oras bago naapula ang apoy ng mga bombero na nagtulong-tulong upang patayin ang sunog sa pabrika at mga kabahayan. (EDWIN MORENO)