BINUO ng Rizal PNP ang isang special investigation task group upang tugisin ang tatlong suspek sa pananambang kay Teresa Mayor Raul Palino na dating pinangalanang sangkot sa kalakaran ng ilegal na droga na nasa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Rizal PNP Provincial Director P/Col. Renato Alba, ligtas si Palino ngunit sugatan ang driver niyang si Joel Balajadia, 38 anyos; at bodyguard na kinilalang si Ruel Javier, kapwa nilalapatan ng lunas sa Saint Therese Hospital.
Nabatid na dakong 5:05 pm noong Lunes, 15 Hunyo, nang tambangan ng tatlong armado at paulanan ng bala ang sinasakyan ng alkalde sa E. Rodriguez Avenue, Barangay Poblacion, sa bayan ng Teresa, sa lalawigan ng Rizal.
Inatasan ni Alba si P/Capt. Emmarie Alboa na pamumuan ang Special Investigation Task Group na tugisin ang mga suspek at mangalap ng CCTV footages sa lugar upang mabilis na maaresto ang mga suspek.
Aminado si Alba, blanko pa sila sa motibo ng krimen para matukoy kung anong grupo ng mga suspek ang nanambang na mabilis na tumakas patungo sa lungsod ng Antipolo.
Matatandaang si Palino ay isa sa 46 politiko na pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa kalakaran ng ilegal na droga noong nakaraang taon.
Itinanggi ng alkalde ang akusasyon sa kanya at humingi ng tulong sa tanggapan ng Police Regional Office (PRO) 4 upang malinis ang kanyang pangalan. (EDWIN MORENO)