TINIYAK ni Montalban Mayor Tom Hernandez na prayoridad sa kaniyang programa ang mga senior citizen lalo ngayong may krisis na kinahaharap ang bansa dulot ng pandemyang COVID-19 sa ilalim ng MSWD ng LGU.
Aniya, ang mga senior citizen ay nakatatanggap ng monthly financial assistance sa ilalim ng MSWD-Senior Citizen Office, tulad ng pangkabuhayan, medical at health support mula sa lokal na pamahalaan lalo na ngayong may krisis ng COVID-19 pandemya.
Ayon kay Hernandez, isa sa kaniyang sinadya ay si Lola Soledad Nacor, 63 anyos, na binigyan ng suportang pinansiyal at iba pang pangangailangan sa Sitio Mangalipot, Bgy. Madcap sa nabanggit na bayan.
Inilinaw ng alkalde na itinatag niya ang mga program mula nang mahalal siya noong 2019 at lalo pa niyang palalakasin upang maabot ang lahat ng sektor ng komunidad sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Samantala, hindi inilinaw at walang reaksiyon ang alkalde sa mga batikos at puna ng mga mamamayan na nawawala o nagtatago siya sa panahon ng dalawang buwang krisis at ang kakaunti lamang ang ayuda na hindi nakaaabot sa lahat ng mga mamamayan ng Montalban.
Kabilang sa mga nagreklamo ang mga senior citizen na matagal na umanong hindi nakatatanggap ng buwanang pensiyon sa local na pamahalaan.
(EDWIN MORENO)