BALIK-BIYAHE ang mga tricycle sa pasaheng P15 kada isang pasahero simula kahapon, 28 Mayo, sa lungsod ng San Juan.
Tiniyak ito ni San Juan City Mayor Francis Zamora at kailangang isa lamang ang sakay kada biyahe.
Bawal din umano ang back rider o pasahero sa likod ng driver.
Ani Zamora, naglatag ng panuntunan ang pamahalaang lungsod upang matiyak ang kaligtasan ng mga tricycle driver at kanilang mga pasahero.
Kabilang dito ang pagsusuot ng health clearance at travel pass ng mga driver sa lahat ng oras.
Dapat din umanong may harang na plastik o materyal na hindi papasukin ng droplets o tubig ang pagitan ng motorsiklo at sidecar.
Obligadong nakasuot ng facemask ang driver at pasahero.
Pinag-uusapin din ang posibleng color coding ng pamahalaang lungsod at mga tricycle driver upang lahat ay makapaghanapbuhay sa gitna ng MECQ.
Layunin ng balik-biyahe ng mga tricycle, na iniutos ng pamahalaang lungsod, ay upang may maihatid sa hapag-kainan ng bawat pamilya ang mga driver ng tricycle.
Inilinaw ng lungsod na tuloy pa rin ang pag-aabot ayuda para sa mga kababayang nawalan ng hanapbuhay dahil sa krisis. (EDWIN MORENO)