NALAMBAT ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang limang indibidwal na hinihinalang bugaw ng mga menor de edad sa mga parokyano ng panandaliang aliw, sa pagsalakay sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.
Bukod sa pagsadlak sa mga kabataan sa prostitusyon, inaasahang kakalkalin din ng NBI-Death Investigation Division, ang natuklasang may red plate “No. 8” na isang Avanza at isang Starex van, na ginagamit sa paghahatid sa hotel sa mga babae sa kanilang mga suki.
Sa press conference kahapon, iprinesenta ang mga dinakip na sina Nehemiah Jalgalado Velasquez alyas Kuya Joey; Hillary Santos Acosta alyas Violet Sy, Adrian Rivares Carido, Orlando Baloloy Abarca at Alex Campita Balane, sasampahan ng reklamong human trafficking in relation to Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act).
Sa ulat, isinagawa ang pagsalakay sa Marbella Condominium, sa Roxas Boulevard, Pasay, City kamakalawa ng gabi (Agosto 10), tinutuluyan ng mga suspek na sina Kuya Joey at Violet Sy, hinihinalang kapwa operator ng prostitusyon.
Nagsimula ang operasyon nang isuplong sa NBI ng isang Perry Mariano, pangulo ng ACKDO, ang sinasabing pambubugaw nina Kuya Joey at Violet Sy sa mga kabataan at katunayan dito ang nakatakas na isang dalagita noong Abril 2016 at nagpasaklolo sa kanya.
Ilang operatiba ang nagpanggap na oorder ng tatlong babae at nang ideliber na sa Manila Pavillion kapalit ng P45,000 o P15,000 ang bawat isa ay doon na inalam kung saan matatagpuan ang kanilang mga amo.
Itinuro ng tatlong babae sa NBI-DID operatives ang Unit 1106 Marbella Condomium, na mistula silang nakakulong at nailalabas lamang kung sila ay dadalhin sa mga kliyente sa hotel.
Sila ay pumayag sa alok ng mga suspek na gagawing model pero hindi inasahan na sila ay gagawing prostitutes.
Nailigtas ng NBI ang siyam na babae na kinabibilangan ng anim na menor de edad, apat na lalaki at isang bading.
Nang dalhin sa NBI headquarters ang mga suspek at nailigtas na mga biktima, kasama ring dinala upang gamiting ebidensiya ang dalawang sasakyan na may no. 8 plate na sinasabing pag-aari ng isang politiko.
ni LEONARD BASILIO