TACLOBAN CITY – Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakilanlan ng anim na napatay kasunod nang nangyaring enkwentro kahapon ng madaling araw sa bahay ni Mayor Ronaldo Espinosa sa Brgy. Benolho, Albuera, Leyte.
Sa paliwanag ni Senior Supt. Franco Simborio ng Leyte Provincial Police Office (LPPO), nagpapatrolya ang mga pulis sa paligid ng bahay ng mga Espinosa nang biglang paulanan sila ng bala ng mga suspek gamit ang high powered firearms.
Umabot hanggang 30 minuto ang palitan ng putok na nagresulta sa pagkamatay ng anim na tauhan ng alkalde.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, hindi raw taga-Albuera ang pagmumukha ng dalawa sa anim mga suspek.
Dahil dito, pinaniniwalaang hindi tagaroon ang mga suspek. Ngunit nakilala nila ang isa sa mga napatay na sangkot sa ilegal na droga.
Sinasabing marami pang mga tauhan ng mayor ang tinutugis ng mga awtoridad.
Magugunitang personal na sumuko kamakalawa ang alkalde kay PNP chief, Director General Ronald Dela Rosa.
Kasunod ito nang pagtatakda ni Pangulong Rodrigo Duterte ng 24 oras deadline para sumuko ang mayor at ang anak na si Kerwin.
Idinadawit ang nakababatang Espinosa bilang drug lord sa Eastern Visayas.
HATAW News Team
Kung hindi susuko
KERWIN MAPATAY MAN OKEY KAY ESPINOSA
MAY basbas na mula kay Albuera, Leyte Mayor Ronaldo Espinosa sakaling mapatay ng PNP ang kanyang anak kung manlaban.
Ito ay dahil itinuturong pinakamalaking drug lord sa Eastern Visayas ang anak niyang si Kerwin. “The order to shoot on site is still active hanggang hindi siya mag-surrender,” ani Dela Rosa.
“Kung nakikinig ka ngayon Kerwin, you better surrender or die.”
Inamin ng mayor na matagal na niyang alam ang ilegal na gawain ng kanyang anak.
Ginawa ito ng mayor sa press conference sa Camp Crame na pinangunahan ni PNP chief Director General Ronald Dela Rosa.
“Na-warningan ko siya,” wika ni Espinosa. “Di ko siya puwedeng hawakan dahil malaki na siya at mayroon na siyang sariling pag-iisip.”
Iprinesenta ni Dela Rosa sa media ang mayor na kusang loob na sumuko sa kanya.
Kasunod ito nang pagbibigay ni Pangulong Rodrigo Duterte ng 24 oras deadline para sumuko ang mag-ama.
Nilinaw ni PNP chief, bagamat sinasabing pinoprotektahan ng mayor ang kanyang anak sa ilegal na gawain, wala pang kasong kinakaharap ang alkalde.
Aniya, malayang makauuwi si Espinosa sa kanilang bayan ano mang oras sa kondisyon na sisiguruhin ng mayor na ititigil na ang lahat ng illegal drug activities sa kanyang nasasakupan.
4 KATAO PATAY SA KAMPANYA VS DROGASA CEBU
CEBU CITY – Patay ang apat na suspected drug pusher sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Poblacion, Lungsod ng Toledo, Cebu kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga napatay na sina Jerome Layan Gara, 49; Renvie Dolino alyas Empoy; Lito Marinay; at Richard Barbon pawang residente sa Plant Site, Poblacion Toledo City.
Sa pahayag ni Supt. Samuel Mina, hepe ng Toledo City Police Station, nakatanggap sila ng reklamo tungkol sa nagpapatuloy na drug operation ng grupo kaya agad nagsagawa ng surveillance bago ang buy-bust operation.
Nang makatunog na pulis ang kanilang katransaksiyon, lumaban ang mga suspek kaya napilitan ang mga awtoridad na magpaputok na nagresulta sa kanilang pagkamatay.
GURO NA DAWIT SA DROGA, PATAY SA TANDEM
LAOAG CITY – Patay ang isang guro makaraan barilin ng riding in tandem suspects sa Brgy. Juan, sa bayan ng Solsona sa Ilocos Norte kamakalawa.
Kinilala ang biktimang si Rondel Legaspi alyas Dondon, nagtuturo sa Mariquet-Manalpac Elementary School sa bayan din ng Solsona.
Pauwi mula sa eskwelahan ang biktima nang pagbabarilin ng mga suspek na hindi pa nakikilala.
Ayon kay Senior Insp. Julifer Narag, hepe ng Solsona PNP, ang biktimang si Legaspi ay kabilang sa mga sumuko na may kaugnayan sa ilegal na droga.
Sinasabing si Legaspi ay ranked number 14 sa drug watchlist ng PNP sa bayan ng Solsona.
11 CRIMINOLOGY STUDENTS ARESTADO SA DRUG RAID SA NEGROS
BACOLOD CITY – Tinatayang aabot ng kalahating milyong piso ang nasabat na shabu at 11 kumukuha ng kursong criminology ang naaktuhang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot sa isang drug operation sa Negros Occidental.
Nakompiska mula sa subject ng operasyon na si Robie Gleen Resuma ng Himamaylan City, Negros Occidental, ang isang malaking plastic sachet, isang maliit at isa pang elongated plastic sachet na pawang naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang may street value na P500,000.
Nang suyurin ang buong compound, nadatnan ang 11 estudyante ng isang state university na gumagamit ng shabu.
Nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na may malaking bulto ng droga na ide-deliver sa bahay ni Resuma dahilan upang magsagawa sila ng checkpoint operation at naaresto rin ang tiyuhin ng target ng operasyon na si Jose Rodrigo Resuma, namataang nagtapon ng dalawang pakete ng shabu at .357 caliber revolver.