RERESOLUSYONAN na ng panel of prosecutors ng Department of Justice (DoJ) ang kasong murder at frustrated murder laban sa road rage suspect na si Vhon Martin Tanto.
Ang preliminary investigation ay pinangunahan nina Assistant State Prosecutors Robert Ong, Honey Delgado at Jeanette Dacpano.
Hindi na nagsumite ng counter affidavit ang kampo ni Tanto.
Ayon kay Atty. Trixie Angeles, abogado ni Tanto, wala nang pangangailangan pa para pahabain ang preliminary investigation kaya hindi na sila nagsumite ng counter affidavit.
Ano man anila ang kanilang depensa, sa korte na nila ipipresenta.
Samantala, direktang tinanong ng piskalya si Tanto kung paano siyang bumagsak sa kamay ng mga awtoridad.
Ayon kay Tanto, siya ay sumuko sa Philippine Army, ang Army personnel ang nagdala sa kanya sa tanggapan ng barangay sa Brgy. Bangad sa Milagros, Masbate at doon na siya sinundo ng mga pulis.
Ngunit iginiit ni Public Attorneys Office chief, Atty. Percida Rueda-Acosta, abogado ng pamilya ni Mark Vincent Garalde, base sa joint affidavit ng anim na pulis, si Tanto ay naaresto kasunod ng hot pursuit operation na ikinasa ng pulisya.
Paliwanag ni Angeles, ang isyu nang pag-aresto at pagsuko ay maaaring maging bahagi ng depensa ng kanyang kliyente kalaunan kaya ito naungkat sa pagdinig kahapon.
Bago matapos ang pagdinig, isinumite ni Acosta sa piskalya ang kopya ng medical abstract ni Roselle Bondoc na tinamaan ng ligaw na bala na galing sa baril na ipinaputok ni Tanto nang makaalitan niya si Garalde.
Makaraan ang pagdinig, agad ibiniyahe si Tanto pabalik ng MPD at doon siya mananatili habang naghihintay ng resolusyon mula sa DoJ.
Sa ilalim ng panuntunan ng DoJ, mayroong 15-araw ang prosecutors para magpalabas ng resolusyon para sampahan ng kaso sa korte si Tanto.
( LEONARD BASILIO )