HAHABOL ang mga koponang nangungulelat sa magkahiwalay na sagupaan sa 92nd National Collegiate Athletic Association (NCAA) Men’s basketball tournament mamayang hapon sa The Arena sa San Juan.
Magkikita ang JRU Heavy Bombers at EAC Generals sa ganap na 2 pm. Magtutuos naman ang Lyceum Pirates at St. Benilde Blazers sa ganap a 4 pm.
May 1-3 karta ang Pirates at Heavy Bombers tulad ng sa Generals at San Sebastian Stags. Wala pang panalo sa limang laro ang Blazers.
Naungusan ng Lyceym ang JRU, 69-66 noong Biyernes upang pumasok sa win column.
Nagbida para sa tropa ni coach Topex Robinson sina Mike Nzeusseu at Adrian Alban na nagtulong para sa 20 sa 24 puntos ng Pirates sa fourth quarter.
Nagtapos si Nzeusseu nang may 24 puntos at 21 rebounds. Nagdagdag ng 19 puntos si Alban.
“We’re still 1-3… there’s nothing to celebrate,” ani Robinson. “But it’s nice to start winning.”
Kahit na nasa ibaba ng standings ang Blazers ay hindi nawawalan ng pag-asa si coach Gabby Velasco na patuloy na naniniwala sa kakayahan ng kanyang manlalaro.
Umaasa naman si JRU coach Vergel Meneses na makakabangon ang Heavy Bombers sa kabiguang kanilang sinapit. ( SABRINA PASCUA )