NAILIGTAS nang buhay ng mga bombero ang plant supervisor na pitong oras nakulong sa elevator ng nasusunog na gusali sa Pasig City nitong Sabado ng umaga.
Labis ang pasasalamat ni Jovil Ong, plant head supervisor, sa mga sumagip sa kanya makaraan ang halos pitong oras na pagkaka-trap sa elevator sa ika-anim na palapag ng nasunog na Verizon Building sa J. Caparas St., Brgy. Ugong.
“Huwag kang mawalan ng pag-asa sa mga nagre-rescue,” pahayag ni Ong.
Kinailangan pang gumamit ng mga bombero ng aerial platform para maabot ang nasunog na ika-anim palapag ng gusali.
Hinaluan din ng kemikal ang tubig para mabilis na maapula ang apoy na umabot sa ika-limang alarma.
Bago mag-6:00 am laking tuwa ng pamilya ni Ong nang makita siyang lumabas kasama ang mga bombero sa binasag na salamin ng bintana.
Tinatayang nasa P5 milyon ang halaga ng ari-arian ang naabo sa sunog na nagsimula pasado 10:00 pm nitong Biyernes.
Idineklarang kontralado ang apoy bandang 6:00 am kahapon.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pinagmulan ng apoy.
Samantala, isang SFO2 Valiente ang isinugod sa ospital nang ma-suffocate sa makapal na usok habang inililigtas si Ong.
( ED MORENO )
2 SUGATAN, 350 PAMILYA NASUNUGAN SA KYUSI
UMABOT sa 350 pamilya ang nawalan ng bahay habang dalawa katao ang sugatan sa naganap na sunog sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Sa ulat kay QC Fire Marshal, Senior Supt. Jesus Fernandez, dakong 9:30 p.m. kamakalawa nang mag-umpisa ang sunog sa 2-storey apartment na inuupahan ni Bermin Jimenez sa Everlasting St., Brgy. Central, Quezon City.
Mabilis na kumalat ang apoy at nilamon ang mga katabing 125 bahay na gawa sa light materials.
Sa inisyal na imbestigasyon, hinalang problema sa koneksiyon sa koryente ang sanhi ng sunog mula sa kisame ng bahay ni Jimenez.
Dumanas ng 1st degree burn sina Francis Shane Dela Torre, 12, at Melvin Ramirez, 26-anyos.
Naapula ng mga bombero ang apoy dakong 12:15 a.m. kahapon.
Umaabot sa halagang P1 milyon ang naabong mga ari-arian sa nasabing insidente.
( ALMAR DANGUILAN )