NANAWAGAN ang Palasyo sa mga teroristang nagkukuta pa rin sa Marawi City, na sumuko na habang may natitira pang oportunidad.
“We call on the remaining terrorists to surrender while there is an opportunity,” sabi ni Pre-sidential Spokesman Ernesto Abella sa press briefing sa Malacañang kahapon.
Nais aniya ng Palasyo na sumurender ang mga terorista upang mabawasan ang pinsala at naapektohang sibilyan sa bakbakan sa Marawi City.
“Precision airstrikes have been judiciously used to prevent collateral damage and employ the specific targets of resistance to protect our troops and to hasten clearing of the city of terrorist elements who continue to resist,” aniya.
Base sa datos ng gob-yerno, 19 sibilyan, at 65 terorista ang napatay, habang 55 high-powered firearms at apat na mababang kalibre ang narekober.
Dalawampung tropa ng pamahalaan ang “killed in action,” kabilang ang 17 sundalo at tatlong pulis, habang 72 ang nasugatan.
Nananatili aniyang nakatuon ang operasyong militar sa pagpurga sa Marawi sa mga terorista, masagip ang nasukol na mga residente, at marekober ang mga biktima at civilian casualties.
Sa ulat ng Department of Health (DoH), 12,509 pamilya ang nawalan ng tirahan sa Rehiyon 10 at ARMM.
ni ROSE NOVENARIO
MARTIAL LAW SA MINDANAO
SUPORTADO NG 15 SENADOR
NAGHAIN ng resolusyon ang 15 senador na nagpapahayag ng suporta sa deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ng martial law sa Mindanao at suspensiyon sa pribilehiyo sa writ of habeas corpus sa nasabing rehiyon.
Sa pamamagitan ng Proclamation 216, isinailalim ni Duterte ang buong Mindanao sa martial law makaraan kubkubin ng teroristang grupo ang Marawi City, naki-pagsagupa sa mga tropa ng gobyerno, at dinukot ang ilang sibilyan.
Inihain nitong Lunes, ayon sa Senate Resolution 388, ang ginawa ng Maute group ay pagtatangkang agawin ang bahagi ng Mindanao mula sa Philippine government, na isang rebelyon, naging dahilan upang ideklara ang martial law.
“The Senate finds the issuance of Proclamation No. 216 to be satisfactory, constitutional and accordance with the law. The Senate hereby supports fully Proclamation No. 216 and finds no compelling reason to revoke the same,” pahayag sa resolusyon.
Kabilang sa lumagda sa resolusyon sina Senate President Aquilino Pimentel III at senators Vicente “Tito” Castelo Sotto III, Ralph Recto, Sonny Angara, Nancy Binay, JV Ejercito, Sherwin Gatchalian, Richard Gordon, Gregorio Honasan, Panfilo Lacson, Loren Legarda, Emmanuel Pacquiao, Joel Villanueva, Cynthia Villar at Juan Miguel Zubiri.
Nauna rito, limang senador mula sa minority bloc, sina Francis Pangilinan, Franklin Drilon, Risa Hontiveros, Antonio Trillanes IV at Bam Aquino, ang humiling ng joint Congressional session para talakayin ang pagde-deklara ng martial law.