AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
SINO ang umano’y nagsilbing dummy ni dating House Speaker Martin Romualdez sa pagbili ng isang mamahaling property sa isang exclusive village sa Makati City?
Ito ang balak imbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson. Ayon kay Lacson, kanilang sinusuri ang alegasyon na ginamit ni Romualdez ang mag-asawang contractor na sina Curlee at Sarah Discaya bilang front sa nasabing real estate transaction.
Sinabi ng senador na nakikipag-ugnayan na siya sa dating may-ari ng property upang matukoy kung may direktang ugnayan si Romualdez at ang mag-asawang Discaya.
“Para pagkatiwalaan mo ‘yung isang contractor na nasasangkot sa P207.5 billion na kontrata mula 2016 hanggang 2025, napakalaki. So kung merong connection, dapat maliwanagan natin, kung bakit ganon kalakas para ipagkatiwala mo ‘yung pagbili ng isang house and lot sa isang sikat na subdivision sa Makati City,” pahayag ni Lacson bilang chairman ng Blue Ribbon Committee.
Binigyang-diin pa ni Lacson na kung mapatutunayang may link si Romualdez sa mga Discaya kaugnay ng nasabing ari-arian, posible umanong may iba pa silang malalalim na transaksiyon.
Malugod nating tinatanggap ang motu proprio investigation laban sa dating lider ng Kamara. Ito ang inaasahang hakbang kung talagang seryoso ang Marcos Jr. administration sa pagsusulong ng transparency at accountability sa gobyerno, lalo na’t matagal nang kinukuwestiyon ang pambihirang yaman ni Romualdez.
Nauna nang isiniwalat ni Navotas Rep. Toby Tiangco na tinanong mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. si Romualdez kung ilang bahay, helicopter, at caviar pa ba ang kailangan nila ni Zaldy Co.
Ayon kay Tiangco, ikinagalit ng Pangulo ang paglipat nina Romualdez at Co ng pondo ng mga flagship program ng Executive patungo sa unprogrammed funds. Ito ang naging mitsa ng matinding pagbira ni PBBM sa flood control corruption sa kanyang State of the Nation Address noong nakaraang taon.
Sa puntong ito, mahirap nang ituring na haka-haka lamang ang mga paratang laban kay Romualdez. May mga salaysay na mula mismo sa mga taong sangkot sa anomalya. Isa na rito si Co na nagbunyag sa kanyang video series na naghatid siya kay Romualdez ng mga maleta ng pera.
Dahil dito, hindi maiwasang itanong kung bakit nananatiling tahimik si Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa kabila ng mga testimonya at ebidensiyang nagtuturo kay Romualdez bilang umano’y mastermind sa sinasabing pinakamalaking katiwalian sa kasaysayan ng bansa.
Sa halip, tila mas pinahahalagahan pa ni Remulla ang mga hearsay testimony, partikular ang kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Roberto Bernardo na paulit-ulit na nagbabago ng kanyang affidavit upang umayon sa isang naratibo na nagdidiin sa ilang indibidwal na wala namang kasalanan habang inililihis ang pananagutan ng mga totoong maysala kung saan nangunguna si dating House Speaker Martin Romualdez. (30)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com