AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
MARAMING beses nang nangyari sa bansa na nakakasuhan ang ilang mga opisyal ng pamahalaan sa pagsunod ng batas – kinakasuhan sa Ombudsman hanggang makarating sa Sandiganbayan.
Habang mayroon din naman mga nakakasuhan dahil sa hindi pagsunod sa batas. Ano ba talaga Kuya? Saan nga ba lulugar ang mga opisyal natin kung ganito lang naman ang mangyayari sa kanila?
Sa sistema, si Juan dela Cruz ang talo dahil naaantala ang mga planong proyekto ng pamahalaan para sa publiko.
Tulad ng sitwasyon ngayon ni dating Finance Secretary Ralph Recto (now Executive Secretary). Sinisilip at pilit na binubuhay ang patay nang isyu laban sa kanya, ang hinggil sa pagsasalin sa pondo ng PhilHealth sa National Treasury.
Kung susuriin, hindi naman personal na desisyon ni Recto ang pagsalin sa pondo at sa halip ay sumunod lang siya sa batas – sa kautusan ng Kongreso – sa pamamagitan ng 2024 General Appropriations Act (GAA). Kung kaya, lumalabas na umaktong “in good faith” si Recto. Kapag hindi naman siya sumunod sa GAA ay makakasuhan siya.
Nakalilito ba? Kung ang isang opisyal na sumunod sa Kongreso ay puwedeng kasuhan, sino pa ang maglalakas ang loob na magdesisyon sa gobyerno?
Sabi nga ng Supreme Court: Kung hindi sumunod si Recto sa GAA, siya pa ang lalabag sa batas. Tsk…tsk… ang gulo naman, kung sumunod ka —kakasuhan ka kapag hindi ka naman sumunod, kakasuhan ka rin. Anong klaseng sistema mayroon tayo?
Para sa kaalaman ng marami, ang gobyerno ay hindi puwedeng tumigil sa pagtugon sa pangangailangan ng taongbqyan dahil lamang sa interes ng mga gustong mag-file ng kaso kahit tapos na ang isyu.
At tandaan pa rin, bunga rin ng pagsasalain ay mas pinalakas pa rin ang PhilHealth – dumami ang benepisyong nakukuha ng beneficiaries. Naranasan ng PhilHealth members ang pinakamalaking pagpapalawak ng benefit packages sa kasaysayan ng Universal Health Care (UHC) program.
Sa ngayon, naging mas protektado ang mamamayan. Naibalik na ang perang nai-transfer sa bisa ng GAA 2024 – kabilang o ilan lamang sa mga pinalawak na benepisyo sa kalusugan ang para sa breast cancer patients: mula P100,000 tungo sa P1.4 milyon, o 1,300% pagtaas para masaklaw ang lahat ng yugto ng sakit; Para sa dialysis patients: libre ang sessions at medications para sa buong taon; Para sa Peritoneal Dialysis (PD) patients: mula P270,000, tumaas ng hanggang 370% tungo sa P1.269 milyon; Institutionalized 156 hemodialysis sessions isang taon sa P6,350 kada session mula P4,000, o 58.75% pagtaas na katumbas ng halos P1 milyon suporta kada pasyente bawat taon; Open heart surgeries: ventricular septal defect tumaas tungo sa P614,000 (mula P250,000).
Kaya kung mayroon man panalo rito, ito ay walang iba kundi ang sambayanang Filipino.
Sa pilit na pagbuhay sa patay nang usapin, sino ba ang nagpopondo sa mga walang humpay na naghahain ng kasong ito laban kay Recto?
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com