SINAGOT ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang paratang ni retired military general, pamosong red-tagger at presidential aspirant Antonio Parlade, Jr.,
na walang nagdidikta at nagkokontrol kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Go, ang desisyon ng Pangulo ay sarili niyang pasya at kanyang pinag-isipan nang ilang beses.
Ngunit aminado si Go, nagbibigay siya ng mga suhestiyon o payo sa Pangulo ngunit hindi niya tiyak kung ito ay pakikinggan.
Aniya, tulad ng ibang mga tagapayo o nagbibigay ng payo, nasa Pangulo pa rin ang desisyon sa huli at wala sa kahit sino.
Paliwanag ni Go, “ang isang payo kung sa tingin ng Pangulo ay makabubuti at nararapat para sa mga mamamayan at sa bansa bakit hindi pakinggan at sundin.”
“Nasagot na mismo ni Pangulong Duterte na walang nagkokontrol sa kanya. Siya mismo ang nagsabi na hindi naman siya magiging Pangulo kung pinapaikot lang siya ng ibang tao. Tanging siya ang gumagawa ng kanyang magagandang desisyon at tumutulong lang ako mula pa noon,” ani Go.
Isa sa tinukoy ni Go ang pagtaas ng suweldo ng uniformed personnel na nakabuti sa morale ng lahat ng kasapi ng AFP, PNP, BFP, BJMP at Coast Guard.
Sa huli ay tumangggi si Go na makipagsagutan kay Gen. Parlade dahil inirerespeto niya umano at katunayan ay isa rin siya sa nagrekomenda na maging Undersecretary ang heneral.
Naniniwala si Go na mainit na ang politika kung kaya’t ipinauubaya niya ang lahat sa taongbayan na siyang huhusga sa mga kandidato.
“Katulad nga ng sinasabi ko, mas kailangan nating tutukan ang pagtulong sa kapwa natin Filipino habang tayo ay unti-unting bumabangon mula sa krisis na ito,” dagdag ni Go. (NIÑO ACLAN)