IBINUNYAG ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na pinag-iisipan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtakbo sa senado sa darating na eleksiyon sa Mayo 2022.
Ayon kay Go, sa kasalukuyan ay pinag-aaralan ng Pangulo ang panukalang tumakbo siya sa senado kasama sa 12 senatorial lineup ng PDP-Laban.
Sinabi ni Go, isa sa ikinokonsidera ng Pangulo kung makatutulong sa bansa at sa taong bayan, magdedesisyon siya o sasang-ayon sa rekomendasyon.
“Siyempre tinitingnan din niya ‘yung slate ng
Administration, ng PDP. Kung makatutulong siya na mas maraming mananalo sa part ng administration, iyon ang ikino-consider,” ani Go.
Ayon sa senador, bilang Pangulo ay ‘proven and tested’ na umano ang pagsisilbi ni Pangulong Duterte sa bansa.
Aniya, sa sandaling tumuloy at manalo ang Pangulo, tiyak na kalipikado siyang maging senate president pero kailangan pa rin pagbotohan at desisyonan ng 24 senador.
“Masyado pang maaga sigurong pag-usapan ‘yan dahil hindi naman natin alam kung sino ang mananalo, who will compose the majority. Kadalasan diyan ay pipiliin po ng majority. But, bilang former president ay napakalaking bagay ‘yon sa kanyang leadership,” dagdag ni Go.
Inamin ng senador, tuloy-tuloy ang pagpupulong na ginagawa ng mga opisyal ng partido at inaasahang magkakaroon ng pinal na desisyon bago sumapit ang 15 Nobyembre para sa kanilang mga kandidato ngayong daratinga na 2022 elections.
“Yes. Parati namang nag-uusap ang PDP about that. Ako naman… sigurado na ‘ko. Kandidato na po ako at desidido na ko riyan. Consistent naman ako, always po akong consistent kung ano po ‘yung sinabi ko. So, 100% dito na ko bilang kandidato as vice president,” paglilinaw ni Go.
“Sa mga kababayan natin, asahan n’yo po na kung sakaling magdesisyon po ang ating Pangulo na tumakbo bilang Senador, asahan n’yo po uunahin niya siyempre kung paano siya makatutulong at makapagpatuloy na makapagserbisyo sa ating mga kababayan at paano niya maisusulong ang mga programang naumpisahan niya na hindi pa po natatapos…gusto niya pong tapusin,” pahayag ni Go.
Kabilang sa senatorial lineup ng PDP-LABAN sina Transport Secretary Arthur Tugade, Labor Secretary Silvestre Bello III, Cabinet Secretary Karlo Nograles,
Presidential chief legal counsel Salvador Panelo,
Public works and highways Secretary Mark Villar
PACC commissioner Greco Belgica, Agrarian Reform Secretary John Castriones, at si Information and Communications Technology Secretary Gringo Honasan. (NIÑO ACLAN)