INILINAW ni Senate committee on health chairman, Senator Christopher “Bong” Go na hindi apektado ng mga kontrobersiya sa PhilHealth ang serbisyo ng Malasakit Centers.
Sinabi ni Go, bagamat isa ang PhilHealth sa mga ahensiya na tumutulong sa Malasakit Center (DOH, DSWD, PhilHealth at PCSO), tuloy pa rin naman ang serbisyo nito sa publiko.
Ayon kay Go, dahil one stop ang Malasakit Center, nasa iisang tanggapan ang mga kinatawan ng apat na ahensiya para umalalay sa mga nangangailangang pasyente.
Ipinaliwanag ni Go, may package ang PhilHealth sa mga pasyente pero kapag nagkaroon ng komplikasyon ang operasyon o lampas sa kayang sagutin ng PhilHealth, maaaring sagutin ng ibang ahensiyang tumutulong tulad ng DSWD, DOH, at PCSO ang natitirang balanse.
Wala rin dapat ipag-alala aniya ang mga miyembro dahil kahit may kontrobersiya ay tuloy ang serbisyo ng ahensiya.
Ipinaalala ni Go na sa ngayon ay mayroon nang 80 Malasakit Centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
(NIÑO ACLAN)