Saturday , November 16 2024

Health sector prayoridad sa Bayanihan 2 — Angara

PINAKALAMAKING bahagi ng pondo para sa Bayanihan to Recover as One Act o mas kilala sa tawag na Bayanihan 2, ay inilaan sa sektor ng kalusugan.

Ito ang sinabi ni Senador Sonny Angara, chairman ng senate committee on finance na nanguna sa ratipikakasyon ng naturang panukala sa Mataas na Kapulungan.

Ani Angara, pangun­ahing layunin ng Bayanihan 2 na ipagpatuloy at palawigin ang tulong ng pamahalaan sa iba’t ibang sektor na nagdurusa hanggang sa kasalukuyan dahil sa pandemyang dulot ng CoVid-19.

Inilinaw ng senador, bagaman halos P55 bilyon ang mapupuntang pondo sa government financial institutions, pinaka­malaking bulto pa rin ang mapupunta sa mga programang pang­kalusugan dahil nasa ilalim ito ng iisang sektor.

Ang pondo para rito, ani Angara ay P40.5 bilyon.

Mababatid na ang kabuuang pondo para sa Bayanihan 2 ay umaabot sa P165 bilyon, ang P140 bilyon dito ay regular appropriations, habang standby fund ang P25.5 bilyon

Kabilang sa mga programang pangkalu­sugan ang patuloy na pag-empleyo ng emergency human resources for health (HRH); pagpapaigting sa kakayahan ng DOH hospitals; special risk allowance para sa mga pribado at pampublikong health workers at kompensasyon sa health workers na magkakasakit ng CoVid-19 o kaya’y papanaw dahil sa sakit na ito habang nakatalaga sa CoVid patients.

Kabuuang P13.5 bilyon ang inilaan ng Bayanihan 2 para sa mga programang ito.

Kaugnay nito, nagpahayag ang DOH na kakailanganin pa rin nila hanggang sa mga susunod na araw ang mga dagdag HRH upang mas mapalakas ang kanilang responde sa mga kaso ng CoVid-19 sa iba’t ibang bahagi ng bansa, partikular sa mga lugar kung saan mataas ang bilang ng mga infected.

Mula nitong Hunyo, ayon sa report ng DOH, mayroon na silang 5,100 health personnel na na-recruit sa pamamagitan ng kanilang emergency hiring.

Kakulangang 4,200 pa ayon sa departamento ang kailangang mapunan para mas mapaigting ang kanilang serbisyo.

“Matatandaan natin na nangako si Pangulong Duterte sa ilalim ng Bayanihan 2, prayoridad sa mga programa ang health sector. Kabilang nga riyan ang additional hiring ng health personnel at ang pagkakaroon ng special risk allowance at benefits para sa kanila. Mapapansin naman natin na nasasagad na ang kakayahan ng ating health system kaya’t marapat lang na kilalanin ang kanilang pagsa­sakripisyo para lamang maisalba ang sambayanan sa krisis na ito,” ani Angara.

Kabilang sa mga kompensasyong matatang­gap ng ating healthworkers, base sa naunang Bayanihan 1 ay P100,000 para sa health workers na malubhang tatamaan ng CoVid-19 at P1 milyon para sa mga papanaw kaugnay ng karamdamang ito habang nasa active duty.

Sa ilalim ng Bayanihan 2, tatanggap ng P15,000 ang health workers na magdaranas ng mild to moderate case ng COVID.

Hinggil sa mga nakapa­loob na pondo sa Bayanihan 2, may nakalaang P3 bilyon para sa pagbili ng PPEs, face masks, gowns, shoe covers at face shields na ipamimigay sa health workers, barangay personnel at sa mahihirap nating mga kababayan na walang kakayahang bumili alinman sa mga nabanggit.

Mahigpit na hinihiling sa ilalim ng Bayanihan 2 na dapat suportahan ang lokal na industriya kaya’t kinakailangang magmu­mula sa Filipinas ang bibilhing PPEs.

May kaukulang P4.5 bilyong alokasyon para sa konstruksiyon ng temporary medical isolation at quarantine facilities, field  hospitals, dormitories para sa frontliners at sa pagpa­palawak sa kapasidad ng mga ospital sa mga bansa.

Halagang P4.5 bilyon din ang inilaan para naman sa konstruksiyon at pagmamantina ng isolation facilities, gayondin ang billing ng hotels, pagkain at transportasyon na gagamitin sa pagresponde sa CoVid cases.

Para sa hiring ng tinatayang 50,000 contact tracers ng DILG, inilaan sa Bayanihan 2 ang alokasyong P5 bilyon para rito.

Para naman sa CoVid-19 testing at sa nakatak­dang pagbili ng bakuna, may nakalaang P10 bilyon at ito ay  nasa ilalim ng standby fund na P25.5 bilyon.

Kaugnay sa bakuna, ipinaliwag ni Angara na bibilhin ito ng estado kung ito ay aprobado at rekomendado ng World Health Organization o kaya nama’y kinikilala ng iba’t ibang health agencies sa buong mundo.

(NIÑO ACLAN)

About Niño Aclan

Check Also

Robin Padilla West Philippine Sea WPS

Para sa impormasyon tungkol sa West Philippine Sea
SEN. ROBIN, PCG GAGAWA NG PELIKULANG ANTI-FAKE NEWS

MAY pinaplanong sine si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla para maghatid ng tamang impormasyon sa …

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *