MAS maraming kursong technical and vocational ang libreng mapag-aaralan ng mga Navoteño matapos maitatag ang training partnership sa pagitan ng Navotas Vocational Training and Assessment (NAVOTAAS) Institute at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Pinangunahan nina Mayor Toby Tiangco at TESDA Director General, Secretary Isidro S. Lapeña ang virtual signing ng memorandum of agreement (MOA) para sa pagtatag ng TESDA–NAVOTAAS Training Institute.
Pumirma rin sa kasunduan sina TESDA CaMaNava District Director Rolando V. Dela Torre at NAVOTAAS Institute Supervising Administrative Officer Jayne B. Rillon.
Sa ilalim ng 5-taong kasunduan, gagamitin ng TESDA ang second, third at fourth floor ng NAVOTAAS Institute – Main sa Barangay North Bay Boulevard South (NBBS) Kaunlaran bilang kanilang satellite office at training center.
Maghahandog sila ng mga kursong tech-voc tulad ng 2D Animation, Advance Microsoft Excel Training, Computer System Servicing, Cyber Security, Driving, at Solar Powered Lighting and Mobile Phone Charging Kit Training.
Sila rin ang babalikat sa suweldo ng kanilang mga staff at trainer; bibili ng mga consumable supplies, tools at materials, at iba pang kagamitan; at magbabayad ng utility expenses.
Sa kabilang banda, papayagan ng Navotas ang paggamit ng mga kagamitan sa Institute; titiyakin ang seguridad ng mga gamit sa mga training; at tutulong sa pagkuha ng mga benepisaryo at pagmo-monitor at pagsusuri sa programa.
“Dahil sa pandemya, napilitan tayong baguhin ang ating mga nakagawian. Ang mga kompanya, at kahit ang mga ahensiya ng gobyerno, ay kinailangang maglipat ng ilan sa kanilang mga gawaing online at payagan ang kanilang mga empleyado na magtrabaho sa kanilang mga tahanan,” aniya.
“Maaaring maging new normal na natin ang remote work. Kaya naman napakahalaga na magkaroon ng kasanayan o skills, lalo sa paggamit ng digital technology. Mapalad tayo na ang mga skills na ito ang ituturo ng TESDA-NAVOTAAS Training Institute sa kanilang mga estudyante,” dagdag niya.
(JUN DAVID)