UMAOT sa 16 dayuhan ang hinuli ng mga operatiba ng Makati City Police dahil sa isinagawang mass gathering sa isang bar sa lungsod, nitong Miyerkoles ng hapon.
Nasa kustodya ng pulisya ang mga suspek na sina Cedric Fowetfeih Nhengafac, 30; Ndipagbor Rayuk, 39; Christian Menkami Youmbi, 35; Ashu Cederick, 34; Nintedem Feudjio Bertrand, 30; Mekoulou Christelle Clemence, 30; Bernadette Bareja, 34; Vitalys Ninjiwa, 43; Jacques Mboum Mbitock, 33; Hyacinthe Gabre, 38; Ngami William, 29, pawang Cameroon nationals; Joseph Emmanuel Faure, 26, Sechelles national; Saiko Omar Kujabi, 34, Gambia national; Harry Teenesee, 45, Liberian national; Christina Nkengasong Ngunyi, 25 at Ezeugwu Osita Linus, 36, kapwa Nigerian nationals.
Nahaharap sa mga paglabag sa Executive Order No. 10 series of 2020; Article 151 of the Revised Penal Code (Resistance and Disobedience to a Person with Authority) with Penal Provisions Amended by Republic Act No. 10951; Section 9(e), RA 11332 (Social Gathering); at Section 11 ng Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2020) ang mga suspek na dayuhan.
Sa report ng Makati City Police, nangyari ang insidente 5:30 pm sa loob ng D Evolution Bar & Kitchen sa 4772 Mariano Street, Barangay Poblacion.
Matapos makatanggap ng report hinggil sa paglabag ng mga dayuhan sa ordinansang pinatutupad ng pamahalaang lungsod agad nagkasa ng follow-up operation laban sa mga suspek ang mga awtoridad.
Nakuha ng mga pulis sa lugar ng insidente ang mga bote ng alak at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Nagkaroon ng komosyon sa operasyon dahil walang umaamin kung sino ang nagmamay-ari ng nakuhang droga.
Dinala ang mga dayuhan sa himpilan ng Makati City Police at isinailalim sa drug test. (JAJA GARCIA)