NAGSIMULANG mamahagi ang pamahalaang lungsod ng Navotas ng cash grant sa mga mag-aaral ng special education (SPED) class.
Nasa 314 benepisaryo ng Persons with Disability (PWD) Students Educational Assistance/Scholarship ang nakatanggap ng kanilang January-March cash allowance na nagkakahalaga ng P1,500.
Sa ilalim ng scholarship, magbibigay ang Navotas sa mga mag-aaral na PWD ng P500 buwanang tulong pang-edukasyon o P5,000 bawat academic year.
Ang mga iskolar, sa kabilang banda, ay inaasahang papasok sa ‘di bababa sa 90% ng kanilang school days bawat school year at aktibong lalahok sa kanilang klase.
“Ang pamamahagi ng cash allowance ay naka-iskedyul ng tatlong araw sa mga lugar na pinakamalapit sa mga estudyante para maging madali para sa kanilang mga magulang o kinatawan na pumunta at masiguro natin ang social distancing,” ani Mayor Toby Tiangco.
“Hangad natin na makatutulong ang educational assistance na ito habang naghahanda sila para sa susunod na pasukan,” dagdag niya.
Bukod sa educational assistance, nakatanggap din ang mga benepisaryo ng face mask mula kay Congressman John Rey Tiangco at relief pack mula sa Coca-Cola Foundation.
Ang Navoteño na nais mag-apply sa programa, ay kailangang isa sa kaniyang mga magulang o guardian ay lehitimong residente at rehistradong botante ng lungsod.
Dapat na naka-enroll siya sa alin mang pampublikong ekwelahan o SPED school sa Navotas.
Kailangang may PWD identification card siya na nagmula at pinatunayan ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO), at ang kanilang pamilya ay hindi benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. (JUN DAVID/ROMMEL SALES)