ISINAILALIM si Senador Antonio Trillanes IV sa kustodiya ni Senate President Vicente Sotto III makaraan ipawalang-bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnestiya at iniutos ang pag-aresto sa senador.
Sinabi ni Trillanes, dating Navy officer na lumahok sa kudeta laban sa Arroyo administration, ang nabuong desisyon ay makaraan makipagpulong siya kina Sotto at Minority Leader Franklin Drilon.
“Kakakausap lang namin kay Senator Sotto. I was placed in the custody of the Senate President,” pahayag ni Trillanes sa press conference.
Sinabi ni Trillanes, ang kanyang mga abogado ay maghahain ng mga kailangang petisyon sa Supreme Court laban sa Proclamation 572 ni Duterte, nakasaad na ang amnestiyang ipinagkaloob sa senador ay walang bisa sa simula pa lamang dahil hindi siya sumunod sa “minimum requirements to qualify under the amnesty proclamation.”
Habang nasa kustodiya, mananatili si Trillanes sa loob ng bisinidad ng Senado.
Sinabi ni Sotto, ang kanyang desisyon na ikustodiya si Trillanes ay upang mapanatili ang dignidad ng Senado.
“I have consulted with some members of the Senate already, to preserve the dignity of the Senate, we have to not allow any senator to be arrested in the Senate premises. Outside the Senate premises, that’s no longer our concern but within the Senate premises that’s the decision of the leadership,” pahayag ni Sotto sa mga mamamahayag bago ang sesyon.
Kinompirma niyang si Trillanes ay mananatili sa Senado ngunit magkakaroon ng caucus ang mga senador upang talakayin ang mga limitasyon.
“Hindi ko pa masabi (kung ano ang limitations). Tingnan natin kung ano ang sasabihin ng ibang senador because there are other perspective siyempre from those who have experienced the same and those who have not experience the same and looking at it at a different perspective,” pahayag ni Sotto.
(CYNTHIA MARTIN/NINO ACLAN)