HANDANG isumite ni Zambales governor Amor Deloso ang mga dokumento o ebidensya ukol sa ilegal na minahan sa nabanggit na lalawigan, partikular ang mga lumabag sa mga lokal na batas sa pagminina at nagbigay-daan para sa pag-abuso ng ilang minero at opisyal ng pamahalaang lalawigan.
Sa regular na Kapihan sa Manila Bay media forum sa Café Adriatico sa Malate, Maynila, tinukoy ng gobernador ang pagkakapatag ng dalawa’t kalahating bundok sa mga bayan ng Sta. Cruz at Masinloc na kanyang pinagdududahang ginamit ang hinukay na lupa bilang panambak sa paglikha ng airstrip sa kontrobersiyal na Scarborough Shoal.
“Wala kaming katibayan na ang lupang minina sa tatlong bundok ay ginamit na panambak sa reclamation ng bahagi ng Scarborough para sa ginawang airstrip ng China ngunit lohikal lang na maging konklusyon na walang pagkukuhaan ng mga bato at lupa ang Tsina kundi mula sa pinakamalapit na source,” punto ni Deloso.
Sa kanyang kaalaman, sa kapanahunan ni dating gobernador Hermogenes Ebdane Jr., naganap ang paghuhukay sa tatlong bundok na pinaghihinalaang ginamit sa reclamation sa bahagi ng Scarborough Shoal, na kung tawagin dati ay Bajo de Masinloc.
“Ang Scarborough Shoal ay 85 kilometro ang layo sa Sta. Cruz at 65 kilometro sa Masinloc. Naging Scarborough (ang tawag dito) noong 1748 nang sumadsad ang barkong Ingles na ang pangalan ay Scarborough,” paliwanag ni Deloso.
“Kung kakasuhan man si Ebdane, nasa Ombudsman na iyan o national government. May tatlong taon lang akong gobernador at mas kailangan kong gawin ang aking tungkulin sa aking constituents kaysa maghabol sa bagay na ang dapat gumawa ay mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan,” dagdag niya.
Una rito at dahil na rin sa sinasabing mga kuwestiyonableng polisiyang ipinatupad sa Zambales ukol sa pagminina, naglabas si Deloso ng Executive Order No. 1 na pansamantalang nagpatigil sa lahat ng mining operation sa kanilang lalawigan.
“Binihag ng mga minero ang Santa Cruz sa loob ng 75 taon, maraming mga negosyante na hindi taga-Zambales ang naging milyonaryo, ngunit walang kayamanang iniwan para sa mga mamamayan maliban sa alikabok,” aniya.
(Tracy Cabrera)