PINAG-AARALAN ng Bureau of Corrections (BuCor) na ilipat sa isang isla sa lalawigan ng Cavite ang 160 preso sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Kahapon ay nagsagawa nang pagbisita at inspeksiyon ang pamunuan ng BuCor sa pamumuno ni Major General Alexander Balutan, sa Caballo Island sa lalawigan ng Cavite na balak paglipatan sa 160 preso mula sa Minimum Security Compound ng NBP.
Layunin nitong mapaluwag ang mga kulungan sa hurisdiksiyon ng NBP.
Aniya, kailangan ilipat ang mga presong malapit nang lumaya dahil kung ililipat dito ang high profile inmates baka magtayo ng mga kubol na pagsisimulan ng mga ilegal.
Kung ililipat aniya ang 160 preso, kailangan linisin muna ng BuCor dahil maraming nagkalat na mga bala ng mga tangke na ginamit noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Delikado aniya ang naturang isla kaya’t magsasagawa muna ng clearing operation. Ayon kay Balutan, posibleng maging tourist spot ang naturang lugar sakaling ayusin at malinisan nang maigi. ( JAJA GARCIA )