TIMBOG sa mga elemento ng Manila Police Ditrict-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) ang limang miyembro ng isang labor group na nagpakilalang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) at nangikil ng P100,000 sa isang kompanya, sa isang kilalang foodchain sa Intramuros, Maynila kamakalawa ng umaga.
Nakadetine na sa MPD-Integrated Jail ang mga suspek na kinilalang sina Alicia Apurillo, 63, presidente ng National Workers Brotherhood (NWB), may opisina sa Rm. 201 LA Building, M.H. Del Pilar St., Grace Park, Caloocan City; Armin Bulon, 46, vice president ng NWB; Justo Dingal, 50, staff; Oscar Alcoy, 40, staff; at Victor Dingal, 42-anyos.
Sa imbestigasyon ni PO3 Alonzo Layugan, ng MPD-GAIS, naaresto ang mga suspek sa entrapment operation dakong 10:30 am sa McDonalds sa Intramuros, Maynila makaraan magreklamo si Eduardo Galope, ng Ayin Corporation.
Sa imbestigasyon, nalaman na inimpluwensiyahan ng mga suspek ang mga empleyado ng Ayin na mag-strike sa harap ng kanilang tanggapan sa Proj. 8, Quezon City at isinulong ang pagsasampa ng kasong “illegal dismissal” at “unfair labor practices” ng mga apektadong empleyado sa Department of Labor and Employment (DOoLE).
Kasunod nito, kinausap ng mga suspek ang may-ari ng kompanya na tatapusin na ng mga empleyado ang pagwewelga at iuurong na rin ang demanda sa DoLE, kapalit ng P150,000.
Kinagat ng management ng Ayin ang alok ng mga suspek at tinawaran ang areglo sa halagang P100,000.
Unang nabigyan ng P50,000 ang mga suspek noong Hulyo 26 at ang ikalawang payment ay itinakda kamakalawa.
Gayonman, nakatunog ang may-ari ng kompanya na hindi alam ng mga empleyado ang ginawa ng limang suspek kaya nagreklamo sa pulisya at ikinasa ang entrapment operation.
Sinampahan ng kasong extortion at grave coercion sa Manila Prosecutor’s Office ang mga suspek.
( LEONARD BASILIO )