HINDI kukulangin sa 20 katao ang panibagong napatay sa magkakahiwalay na lugar dahil sa pinag-ibayong drug operations ng PNP sa Metro Manila, Bulacan, Antipolo City, Iloilo at Pangasinan.
Limang tulak ng droga ang napatay sa magkakahiwalay na lugar sa lungsod ng Maynila.
Napatay ang mga suspek na sina Jomar Manaois, Jeferson at Mark Bonuan makaraan manlaban sa mga pulis sa isang bahay sa Sta. Ana.
Isang alyas Bombay ang napatay nang lumaban sa mga pulis sa Port Area, Maynila.
Namatay ang isang alyas Erwin sa Quiapo at sinasabing kilalang tulak ng droga na si Jerry Collado sa bahagi ng Ermita.
Isisilbi sana ng mga pulis ang search warrant sa Las Piñas City nang biglang makipagbarilan ang suspek na si Ruben Rivera, nakompiskahan ang 20 sachet ng marijuana at apat sachet ng shabu.
Samantala, patay rin ang tatlong suspek sa magkakahiwalay na lugar sa Muntinlupa City.
Kinilala ang mga biktimang sina Ramon Malalang alyas Nonoy at alyas Baka makaraan manlaban sa mga pulis.
Habang binaril ng riding in tandem suspects si Edison Alilio.
Samantala, tinamaan ng walong bala sa katawan at sa ulo ang isang Nico alyas Kabayo makaraan barilin sa Arnaiz kanto ng Marconi sa Brgy. San Isidro, Makati City.
Dalawa rin tulak ng droga ang patay sa Quezon City.
Hindi agad nakilala ang hinihinalang tulak ng droga na binaril nang hindi matukoy na suspek sa Brgy. Commonwealth.
Sinasabing nanlaban sa mga pulis si alyas Mohammad Ali na dating security guard nang magtupad ang mga pulis ng Oplan Tokhang.
Apat hinihinalang mga tulak ng droga ang napatay ng mga pulis sa magkakahiwalay na lugar sa Bulacan, isa sa Malolos, isa sa San Rafael at dalawa sa Meycauayan nang lumaban habang inaaresto ng mga awtoridad.
Bumulagta pagkatapos lumaban sa mga pulis ang dalawang subject ng ‘Oplan Double Barrel’ sa magkakaibang anti-drug operation sa lungsod at lalawigan ng Iloilo.
Unang napatay ng mga pulis si Panfilo Artuz alyas Jun-jun ng Brgy. Malitbog, Centro Calinog, Iloilo makaraan lumaban nang matunugan na police poseur buyer ang nakatransaksiyon.
Bumunot siya ng .38 caliber revolver at granada na ihahagis sana sa mga awtoridad ngunit inunahan ng mga pulis.
Samantala, patay rin ang isang Freddy Sumbing alyas Lando pagkatapos kumuha ng MK-2 fragmentation grenade na gagamitin sana laban sa police operatives sa Arevalo, Iloilo City.
Ang dalawang magkaibang subjects ay nakuhaan ng sachets ng suspected shabu at buy bust money.
Sa lalawigan ng Pangasinan, tatlong pa ang naiulat na napatay dahil sa drug operations sa magkakahiwalay na bayan.
( LEONARD BASILIO, JAJA GARCIA, may kasamang ulat nina Joana Cruz at Kimbee Yabut )
3 DRUG PUSHERS ITINUMBA NG VIGILANTE SA MUNTI?
TATLONG lalaking hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang patay makaraan barilin ng hindi kilalang suspek na tinaguriang vigilante group, sa magkakahiwalay na lugar sa Muntinlupa City.
Ayon sa pulisya, sa unang insidente, dakong alas 10:25 pm kamakalawa, may kausap ang biktimang si Ramon Calalang, Jr., alyas Nonoy, 35, tricycle driver at nakatira sa Sacristia St., Poblacion, Muntinlupa, nang dumating ang dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo sa naturang lugar.
Agad bumunot ng baril ang mga suspek at binaril si Calalang na namatay noon din sanhi ng ilang tama ng bala sa katawan. Tumakas ang mga suspek makaraan isagawa ang pamamaslang.
Dakong 11:18 pm natagpuang patay ang hindi pa nakilalang lalaki sa riles ng tren sa Laguerta St., Tunasan, Muntinlupa. Narekober sa tabi ng bangkay ang isang basyo ng hindi malamang kalibre ng baril.
Samantala, agad binawian ng buhay ang biktimang si Edison Alilio, alyas Dedeng, 33, nakatira sa Phase 1, Block 53, Lot 32, Southville 3, NHA, Poblacion, Muntinlupa
Pinagbabaril si Alilio ng dalawang lalaking lulan ng motorsiklo sa E. Rodriguez Ave., Type C, NBP Reservation, Poblacion, Muntinlupa dakong 12:10 am kahapon.
Sa pahayag sa pulisya, aminado ang kapatid ng biktima na si Kaye Alilio, na drug pusher si Edison at kamakailan lamang ay boluntaryong sumuko sa programang “Oplan Tokhang” ng PNP.
( MANNY ALCALA )
HOLDAPER/PUSHER UTAS SA PARAK SA PCP SAMPALOC
PATAY ang isang 42-anyos lalaking miyembro ng Batang City Jail nang mang-agaw ng baril sa loob ng PCP Sampaloc sa Sampaloc, Maynila kamakalawa ng gabi.
Dead on arrival sa Ospital ng Sampaloc ang biktimang si Edgar Acebuche, ng 835 Geronimo St., Sampaloc, Maynila, sanhi ng tama ng bala sa dibdib.
Sa imbestigasyon ni SPO4 Glenzor Vallejo ng Manila Police District Homicide Section, dakong 6:15 pm nang maganap ang insidente.
Nauna rito, nagpapatrolya ang pulisya nang mamataan nila si Acebuche sa Geronimo St., na nakasuot lamang ng shorts kaya kanilang sinita.
Nang kapkapan ang bulsa, nakuha ang dalawang pirasong plastic sachet ng shabu kaya dinala sa himpilan ng pulisya.
Ngunit habang nakapiit, hiniling ni Acebuche kay PO1 Oscar Cruz na gumamit siya ng banyo.
Ngunit habang nasa banyo, sinasabing inagaw ni Acebuche ang service firearm ni Cruz kaya binaril siya ni S/Insp. Joselito De Ocampo.
Isinugod sa nabangit na pagamutan ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.
Ayon sa pulisya, ang biktima ay sangkot sa illegal na droga at madalas mangholdap ng mga estudyante sa lugar ng Sampaloc.
( LEONARD BASILIO, may kasamang ulat nina Joana Cruz at Kimbee Yabut )