WALANG balak ang premyadong direktor na si Brillante Mendoza na itago ang tinaguriang “bad mouth” ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nalalapit na State of The Nation Address (SONA) sa Hulyo 25.
Sa panayam ni Ginger Conejero, inihayag ni Direk Brillante Mendoza, hindi tama kung pipigilan si Pangulong Duterte sa kanyang pagpapakatotoo sa sarili lalo na ang matapang at prangkang pananalita.
Samantala, bilang direktor sa unang SONA ng pangulo, hindi aniya magiging pure English ang talumpati, kundi hahaluan ito ng Tagalog at Bisaya upang maka-relate ang lahat ng taong-bayan.
Nabatid na si Communications Secretary Martin Andanar ang nag-alok kay Brillante na magsilbing direktor ng SONA dahil marami na raw napatunayan ang director kabilang na ang tinamasang tagumpay sa international scene.
Sa panig ng 55-year-old director, medyo ikinagulat niya ang pagkakapili sa kanya ngunit kanya itong tinanggap dahil naniniwala siya sa ‘advocacy’ ni Pangulong Duterte para sa bansa.
Hindi aniya mahalaga ang pagpapaganda sa venue, o ‘di kaya’y ang maraming ‘sangkap’ gaya ng powerpoint sa SONA, kundi ang content o nilalaman na siya ring pagtutuunan ng pansin ng mga tao.
Sa kabilang dako, tinatayang 3,000 indigenous people mula sa Mindanao ang bibiyahe patungong Maynila para panoorin ang SONA ni Pangulong Duterte.
Ito’y upang iparating sa bagong pangulo ang patuloy na problema ng mga Lumad na nakararanas pa rin anila ng militarisasyon sa kanilang komunidad.
Hinggil sa seguridad kasunod ng terrorist attack sa France at bigong kudeta sa Turkey, nilinaw ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na wala silang namo-monitor na banta sa seguridad ng pangulo.
HATAW News Team