SUNOD-SUNOD na naaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang anim indibidwal na nag-iingat ng ilegal na droga sa magkakahiwalay na operasyon sa iba’t ibang lugar sa lungsod ng Maynila kamakalawa.
Kinilala ang mga naarestong sina Mark Angeles, 33; Christian Bagay, 18; Rosmalyn Torres, 24; Emman Tungol, 33; Lester Alvarez, 34; Jerry Arupo, 18-anyos.
Batay sa ulat ng MPD, unang naaresto dakong 3:30 pm sina Angeles, Bagay at Torres sa loob ng isang barong-barong sa Islamic Center sa San Miguel makaraan makompiskahan ng hinihinalang illegal na droga.
Habang dakong 3:45 pm nang maaresto si Tungol sa Endaya Street, malapit sa kanto ng G. Perfecto Street sa Tondo.
Bukod sa dalawang plastic sachet ng shabu, nakompiskahan din ng 11-pulgadang haba ng balisong si Alvarez dakong 7:15 pm sa Malaya Street, Tondo.
At natiyempohan ng mga nagpapatrulyang pulis si Arupo pasado 8 pm sa tabi ng Saint Magdalene Church sa Riverside Vitas nang mabuking na nag-iingat ng tatlong plastic sachet ng marijuana.
Ang mga suspek ay pawang nakadetine at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
( LEONARD BASILIO, may kasamang ulat nina Joana Cruz at Kimbee Yabut )