Sunday , December 22 2024

INC indie film panalo sa Madrid Filmfest

071216_FRONT
NAG-UWI ng karangalan para sa bansa ang indie movie na “Walang Take Two” na iprinodyus ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa katatapos na 2016 Madrid International Film Festival (MIFF) matapos manalo ng Best Film at Best Cinematography in a Foreign Language Film sa award ceremonies na ginanap nitong 9 Hulyo sa kabiserang lungsod ng Espanya.

Kauna-unahang obra ng INCinema Productions, nagwagi ang pelikulang “Walang Take Two” laban sa mga nangungunang pelikula ng mga produksiyon sa  buong mundo sa festival na itinampok simula noong 2 Hunyo sa Madrid.

Nagwagi rin ng mga karangalan ang mga talento ng  “Walang Take Two” sa MIFF sa pangunguna ng cinematographer na si Giancarlo Escamillas at ng direktor na si Carlo Jay Ortega Cuevas na nominado bilang Best Director in a Foreign Language Feature Film.

Nominado rin si Direk Joel Lamangan sa nasabing award.

Ang dalawang award na naiuwi ng “Walang Take Two” mula sa MIFF ay itinuturing na karagdagang pagkilala sa kauna-unahang obra ng INCinema Productions.

Nauna na itong tumanggap ng awards sa World Film Awards sa Jakarta para kay Cuevas na kumuha ng Platinum World Award at World Newcomer Filmmaker of the Year. Nominado rin ito para sa Best Picture.

Bago umani ng mga nasabing pagkilala, nakuha na ni Cuevas ang tropeo para sa Best Director in a Foreign Film mula sa London International Film Festival ngayong taon.

Si INC Minister Pepito Acuesta na tagapangasiwa ng Iglesia sa buong Europa ang tumanggap ng mga award na nabanggit para sa buong cast and crew ng pelikula.

Pinasalamatan niya ang Diyos para sa pagkilalang iginawad sa obrang handog ng INC at inihayag ang pagkakalugod ng Iglesia sa mga parangal na natanggap.

Pangunahing binanggit ng ministro ang suporta at payong ibinigay ni INC Executive Minister Brother Eduardo V. Manalo sa mga kaanib ng Iglesia na nagsiganap sa pelikulang karamihan ay unang sineng ginampanan.

Ang “Walang Take Two” ay idinirehe at isinulat para sa pinilakang tabing ni Cuevas at unang itinampok sa mga sinehan sa bansa noong Setyembre ng nakaraang taon.

Uminog ang kuwento nito sa buhay ng Filipino film-maker na si Hapi na nangangarap na lubusang pumalaot nang husto sa industriya bilang “indie” direktor. Ang titulo ay halaw sa palagiang paalala ng kanyang amang si Mang Julian na dating videographer sa pelikula. Ikinuwento ng pelikula ang pagsusumikap niyang iprodyus ang una nitong indie film na siyang nagbigay-aral sa kanya na bagama’t may “take two” sa mga obrang sining, sa buhay naman ay hindi palagiang ganoon.

Lahat halos nang nagsiganap ay mga “baguhan” na unang nahasa sa pagganap sa mga naunang handog na short films ng INCinema. Ang mga nasabing proyekto ay naglalayong humubog ng bagong talento mula sa mga kaanib ng Iglesia. Lahat sa kanila’y nanalo sa mga naunang EVM awards na ginanap sa ilalim ng pagtugaygay ni INC Executive Minister Bro. Eduardo V. Manalo.

HATAW News Team

About Hataw News Team

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *