ILANG buwan na lang bago ang Olimpiyada sa Rio de Janeiro, Brazil, isang masamang insidente ang napabalita sa pandaigdigang komunidad-—pira-pirasong bahagi ng isang bangkay ang natagpuan sa dalampasigan ng kabisera ng bansa.
Nadiskubre ang gutay-gutay na katawan ng tao sa Copacabana beach, ilang metro ang layo sa mismong pagdarausan ng mga laro para sa 2016 Summer Olympics beach volleyball.
Unang nakita ang labi ng isang lokal na street vendor, na agad isinumbong ang kanyang nakita sa isang pahayagan sa Rio.
Walang inilabas na opis-yal na pahayag ang pulisya sa nasabing insidente, at wala rin silang ibinigay na detalye ukol dito matapos simulan ang imbestigasyon.
Napatigil ang preparas-yon para sa beach volleyball ilang linggo ang nakalipas sanhi ng nawawalang mga permit, ngunit naipagpatuloy ito makaraan ang apat na araw, at inaasahang makokompleto sa naitakdang panahon sa unang araw ng kompetisyon.
Ang natagpuang pira-pirasong bangkay ay isa lang sa mga kontrobersiya at isyu patungo sa pagdaraos ng Rio Games.
Kabilang din dito ang kaguluhang politikal sa bansa, krisis sa pananalapi, ang Zika virus, pagkabalam ng konstruksiyon, polusyon sa tubig at maaaring paglaghanap ng ‘doping’ sa mga atleta.
Magsisimula ang Olimpiyada sa darating na Agosto 5, at sisimulan ang labanan sa beach volleyball sa susunod na araw.
ni Tracy Cabrera