INIHAIN na ang kasong homicide sa Ombudsman ng mga kaanak ng mga namatay na 44 miyembro ng PNP-Special Action Force (PNP), laban kina dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino, dating Philippine National Police (PNP) chief Alan Purisima at dating SAF Chief Getulio Napeñas.
Sinamahan mismo ni Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) chairman Dante Jimenez sa Ombudsman, para magsampa ng kaso sina Erlinda Allaga, ina ng namatay na pulis na si PO3 Robert Allaga, at Warlito Mejia, ang ama ni PO2 Ephraim Mejia.
Inaasahang susunod na rin maghahain ang iba pang kamag-anak ng mga namatay na pulis para sa target nilang 44 counts na kasong homicide laban kina Aquino, Purisima at Napeñas.
Habang nagsagawa ng protesta sa labas ng Ombudsman ang mga miyembro ng VACC para suportahan ang hakbang ng mga kaanak ng mga pulis.
Hiniling ng grupo na tulungan sila ng bagong pangulo ng bansa na si Rodrigo Duterte para makamit ang hustisya ng mga namatay na pulis.
Nabatid na bigong mabigyan ng hustisya ng dating Pangulong Aquino ang mga namatay na pulis na naka-enkwentro ang mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Tukanalipao sa Mamasapano, Maguindanao.
Inilunsad ang operasyon para hulihin ang international terrorist na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan noong Enero 25, 2015.
HATAW News Team