NANAWAGAN si Vice President Leni Robredo ng pagkakaisa at sama-sama aniyang pagtupad sa hangarin para sa isang maunlad na Filipinas, sa kanyang mensahe makaraan ang panunumpa bilang bagong ikalawang pangulo ng bansa.
Sa kanyang 10 minutong vice president’s message, sinabi ni Robredo, isang mahalagang yugto ito sa kanyang buhay.
Hiling niya, katulad noong sumabak siya sa halalan, sana ay samahan ulit siya ng sambayanan sa kanyang bagong paglalakbay.
Itinuturing ni Robredo ang pagiging bise presidente na malaking biyaya para makapaglingkod at hindi niya matalikuran ang tawag ng paninilbihan.
Tiniyak ng bise presidente na hindi niya sasayangin ang pagkakataong ito para mapaigting pa ang kanyang mga ipinaglalaban para sa kapakanan ng mga Filipino.