UMABOT sa 15 estudyante ang sinasabing sinaniban ng masamang espiritu sa Iloilo City kamakalawa.
Nawalan ng malay at hindi mapigil sa pagwawala ang mga mag-aaral sa Grade 8, 9 at 10 sa Cambitu National High School.
Nagkaroon nang bahagyang sugat ang isa sa kanila nang magkagulo sa loob ng paaralan.
Binigyan ang mga estudyante ng paunang lunas sa Oton Municipal Center at isinailalim sa laboratory test para matukoy ang estado ng kanilang kalusugan.
Kuwento ng guwardiya ng paaralan na si Ailyn Prologo, ilang beses nang nangyari ang sinasabing pagsanib sa mga estudyante simula noong gawin ang kanilang covered gym.
Nitong Martes lang, apat estudyante ang dumaan sa parehong karanasan.
Sinuspinde ang klase sa paaralan para mabasbasan ng pari.
Magbabalik ang klase oras na makalabas na sa ospital ang mga sinanibang estudyante.
Samantala, naniniwala si Dr. Sally Ticao ng Oton Municipal Health Office, tinamaan ng panic attack ang mga estudyante at kalauna’y nagdulot ito ng mass hysteria.
Nakaranas aniya ng hypoglycemia at dehydration ang mga naapektohang mag-aaral.
Ipinayo ni Ticao sa mga magulang at guro na ihiwalay muna sa ibang tao ang mga estudyante kung maharap sila muli sa ganitong sitwasyon.
Pinaalalahanan din ang mga mag-aaral na huwag kalimutang kumain ng almusal bago pumasok ng paaralan upang walang maramdamang kakaiba.