SIPAT
ni Mat Vicencio
PAGKAKAIBA ni Senator Imee Marcos kay Pinocchio: Si Pinocchio ang ilong ang humahaba kapag nagsisinungaling, hindi naman kaya ang baba ni Imee ang humahaba sa tuwing nagsisinungaling siya?
Nakawiwindang ang ginagawang pagkakalat ni Imee, dahil sa simula pa lang ng pagpasok ng New Year, rumepeke na kaagad ng tsismis, intriga, at walang tigil na inuupakan ang administrasyon ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Matapos na pumasa ang P6.793-trillion national budget for 2026, mabilis na pinuna ito ni Imee at sinabing meron pa rin pork insertion, chop-chop o ‘giniling’ na pondo tulad ng ilang assistance program sa nilagdaang budget ni Bongbong nitong Enero 5.
Pero mabilis na sinupalpal si Imee ng kanyang mga kasamahang senador at pinabulaanan ang mga akusasyon tungkol sa 2026 national budget. Sabi pa ni Senator Win Gatchalian…“May kaukulang safeguard ang budget para hindi ito manakaw.”
Nasundan pa ang mga kasinungalingan ni Imee nang sabihin nitong kakasuhan sa January 15 sina Senator Joel Villanueva, Jinggoy Estrada, at dating Senator Bong Revilla kaugnay sa flood control project scam.
Pero kaagad na sinopla ni Ombudsman Boying Remulla ang pahayag ni Imee at sinabing walang katotohanan ang pinakakalat na tsismis ng senadora na magsasampa ng kaso ang kanyang tanggapan sa nasabing tatlong senador.
Sabi pa ni Boying…“Buti pa siya alam niya, ako hindi ko alam ‘yon…ewan kung saan nanggagaling ‘yun.”
Nagmarites din si Imee na ang ‘giniling’ na pork ng 2026 ay gagamitin para muling buhayin ang impeachment case laban kay VP Sara Duterte sa darating na Pebrero. Sabi pa ni Imee… “Walang uuwian ito kundi politika!”
Inilinaw naman ng mga senador at kongresista na walang batayan ang mga pahayag ni Imee at walang nakalaan na pondo sa 2026 budget para sa impeachment laban sa bise president.
Hindi pa nakontento, itsinismis na rin ni Imee na bubuwagin na raw ang ICI o Independent Commission for Infrastructure sa Pebrero 1 kahit wala pang kompirmasyong ginagawa ang Palasyo.
Pero tuluyang nabisto ang mga kasinungalingan at pagmamalinis ni Imee nang ibunyag ni Senator Ping Lacson na umaabot sa P2.5-billion ang ‘allocables’ ng senadora sa proposed 2025 National Expenditure Program o NEP base sa dokumentong nagmula kay Undersecretary Maria Catalina Cabral.
Ngayong nalantad na ang kasinungalingan ni Imee, mas mabuting tawagin na lamang natin siyang ‘Baba-nocchio’! (30)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com